TATLUMPUNG taong gulang na pala ang lumubog na MV Maharlika 2. Karag-karag na. Kung ikukumpara sa kotse o trak, pupugak-pugak at palyado na. Delikado na ang mga barkong luma at maaaring tumirik sa laot.
Ganyan ang nangyari sa Maharlika na lumubog sa Southern Leyte noong nakaraang linggo na ikinamatay ng walong pasahero. Nasagip ang 110 pasahero at mayroon pang isang nawawala. Ayon sa report, tumigil ang makina ng barko nang hampasin ng hangin at malalaking alon. Kasunod ay tumagilid hanggang sa unti-unting lamunin ng dagat. Nagtalunan ang mga pasahero. Nasagip sila ng isang barkong dumadaan. Akala nang mga pasahero, katapusan na nila. Sabi ng Coast Guard, pinayagang makapaglayag ang barko sapagkat wala namang signal ng bagyo. Galing ng Surigao ang barko at patungong Southern Leyte.
Iniimbestigahan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa Caraga Region ang paglubog ng Maharlika. Isa sa tinututukan nila ay ang iba’t ibang deklarasyon sa tunay na dami ng pasahero ng barko. Ang nakasaad sa official manifest ng barko ay 58 pasahero lamang subalit lumalabas na 119 na pasahero lahat ang nasa barko makaraang lumubog. Nagtataka ang MARINA kung ano ang totoo. Isa pang violation ay ang hindi umano pagrereport ng kapitan ng barko ukol sa nangyaring incident. Aalamin din ng MARINA kung totoong expired na ang lisensiya ng kapitan ng barko.
Basta’t may lumubog na barko, ang kasunod ay ang pag-iimbestiga ng Marina o ng Philippine Coast Guard. Karaniwan na lamang ang ganito sa bansang ito. Kung kailan may nangyari nang trahedya saka magkakaroon ng pag-iimbestiga at saka ipatutupad ang paghihigpit. Marami nang lumubog na barko sa bansang ito pero marami pa rin sa mga opisyal ng mga nakasasakop na tanggapan ang natutulog sa pansitan. Bakit ba hindi magsagawa ng regular na pagsisiyasat kung ang mga barkong bumibiyahe ay may kakayahan pang magyaot.
Panahon na para kumilos ang Marina. Huwag nang payagang magyaot ang mga barkong bulok! Maaawa naman sa mga pasahero na mistulang ipinapain ng mga barko sa disgrasya.