HABANG isinusulat ko ang kolum na ito ay kasalukuyan pa rin akong naka-confine at nagpapagaling sa Manila Doctors Hospital matapos akong magkaroon ng heart attack noong nakaraang araw ng Linggo. Hindi ko akalaing daranasin ko ito dahil pakiramdam ko’y malusog at masigla ang aking katawan.
Tanging pananakit lang ng dibdib ang aking naramdaman dakong alas tres ng madaling araw na karaniwang oras ng aking paggising para manalangin. Hindi ko ito masyadong pinansin. Ni hindi ko inakalang atake na ito sa puso dahil madalas mangyari sa akin at naiibsan agad kahit uminom lang ako ng antacid.
Tumitindi ang sakit sa aking dibdib at dakong 9:00 ng umaga nang magpasya akong magpasugod na sa emergency room ng Manila Doctors. Habang nasa kotse ay ipinasya kong i-text ang ating kaibigan at kolumnistang si Dr. Willie Ong na isang espesyalista sa puso. Mga isang oras sa pananatili ko sa ER ay agad dumating si Dr. Willie kasama ang kanyang magandang misis na si Dra. Liza Ong.
Isang malaking moral support ang pagdalaw nila sa akin bagamat ang official cardio ko ay si Dr. Dante Morales na agad nag-atas ng lahat ng kailangang proseso bago ako isalang sa maselang angiogram at angioplasty na naglagay sa baradong ugat sa puso ko ng tatlong tinatawag na stent para bumuka ang ugat at dumaloy ang dugo nang normal. Sabi ni Doc. Morales, malaki na ang damage sa isang muscle ng puso ko dahil hindi ako nagpasyang sumugod agad sa ospital. Nais kong ibahagi ang karanasan kong ito sa mga hindi pa nakakaranas maatake sa puso.
Sabi sa akin ni Dr. Morales, huwag balewalain ang pananakit ng dibdib tulad ng lagi kong ginagawa porke inaakala kong ito’y hyperacidity lang. Bawat segundo, ani Dr. Morales ay importante para maisalba ang puso natin sa malubhang pinsala.