HINDI rehistrado ang van na nahulog sa bangin sa Buguias, Benguet, nu’ng Setyembre 9, na ikinasawi ng 13 katao. Ni walang driver’s license ang may-ari, na nasawi kasama ang anak at 11 pang high school students. Anang tatlong survivors, hindi kumagat ang handbrake nang huminto sa madulas dahil inuulan na mountain highway.
Dalawang araw bago ito, nahulog ang isa pang van sa Sablan, Benguet, na ikinasawi ng isa at pilay sa 16 pa. At napag-alaman na sumirit sa 1,087 ang vehicular accidents sa Benguet nitong Enero-Agosto, kumpara sa 846 nu’ng parehong panahon nu’ng 2013.
Pinapaalala sa mga pangyayari na dapat agad bumuo ng National Transport Safety Board. Iimbestigahan ng ahensiya lahat ng sakunang pansakayan, pati government offices. Magrerekomenda rin ito ng mga pagbabago para maiwasan ang pag-ulit ng sakuna.
Halimbawa sa mga sakuna sa Benguet, maysala ba ang Land Transportation Office sa kawalan ng rehistro ng van at lisensya ng driver? Sablay ba ang Department of Public Works and Highways sa pagdisenyo at paggawa ng kalsada? Palpak ba ang handbrakes at footbrakes ng manufacturers ng dalawang vans. Pabaya ba ang pulis? Ano ang nararapat para maging zero ang aksidente sa mountain roads?
Taga-repaso ng panukalang NTSB ng mga regulatory at operating agencies. Halimbawa, sa malimit na aksidente sa MRT-3, masasaliksik ng NTSB ang maintenance records ng PH Trams at Global Inc., na pag-aari ng kumpareng Marlo dela Cruz ni kumontratang Transport Sec. Joseph Emilio Abaya. Mabibisto ang mga katiwalian at kapabayaan nina dating MRT-3 general manager Al S. Vitangcol at pumalit na Honorio Chaneco.
NTSB ang aalam kung maysala ang Maritime Industry Authority o Coast Guard sa sakuna sa dagat, at Civil Aviation Authority sa ere.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).