SENTRO ngayon ng iba’t ibang isyu at kontrobersiya ang Philippine National Police (PNP) sa tumataas na kriminalidad sa bansa.
Kaya naman ang ahensya, kung ano-anong mga posibleng solusyon ang inilalatag at inilulunsad sa pag-aakalang mapapababa nila ang krimen. Ang hindi alam ng mga namumuno o sadyang ayaw lang talaga nilang pagtuunan ng pansin at atensyon, ang paglalagay ng crime prevention infrastructure o tulad sa Amerika, ang central communication system o 911.
Magmumukha na akong sirang plaka sa paulit-ulit na pagsasabi tungkol dito, pero patuloy ko pa rin itong ipagdidiinan hangga’t hindi ito sini-seryoso ng pamahalaan. Kahapon, tinalakay ko sa aking programang BITAG Live ang sinabi ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas. Inoobliga niya ang mga Metro Manila mayor na palagyan ng mga closed-circuit television (CCTV) camera ang bawat establishemento sa kanilang mga syudad.
Isang paraan daw ito para mapababa ang kriminalidad sa bansa partikular sa kalakhang Maynila. Ang problema, sa panahon ngayon kung saan napakabilis magbago ng teknolohiya, maituturing “thing of the past” o napaglipasan na ng panahon ang mga CCTV.
Bagamat nakakatulong ito sa mga awtoridad, napakaliit lang ng porsyento ng magiging kontribusyon nito sa pagresolba ng krimen tulad ng inaakala ni Roxas. Bukod dito. hindi rin ito magiging epektibo dahil ang mga kriminal at halang ang bituka, magugulang at mauutak na rin.
Mayroon na silang mga kagamitan at teknolohiyang pangontra at panira sa mga CCTV at nalalaman na nila agad kung ito ay mga palamuti lang, peke, panakot, gumagana o hindi. Maliban sa pagtatanim ng CCTV, sinabi rin ng kalihim ng DILG na bibigyan niya ng mga “scorecard” ang mga Metro Manila mayor para mamonitor nila ang estatistika ng kriminalidad sa kanilang hurisdiksyon.
Sa direktibang ito, wala pang malinaw na pamantayan at panukat na inilabas ang ahensya na gagamiting batayan sa pag-monitor ng krimen. Naniniwala ang BITAG Live na hangga’t walang central communication system, mababalewala lang lahat ang mga hakbang at programang isinusulong ng PNP at hindi bababa ang kriminalidad sa bansa.
Panoorin ang pamantayan at sistema ng mga PINOY-US COPS sa pagpapatupad ng batas sa Amerika na idino-dokumento ng BITAG Team Ride Along taon-taon. Log on, bitagtheoriginal.com click“PINOY-US COPS.”
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.