EDITORYAL - Lifestyle check sa mga opisyal ng PNP

MUKHANG hindi nagbibiro si DILG Secretary Mar Roxas nang sabihin na maski si PNP chief Dir. General Alan Purisima ay kasama rin sa isasai-lalim sa lifestyle check. Minamadali na umano ng kanyang tanggapan ang mga patakaran sa lifestyle check makaraang makipag-ugnayan sa Bureau of Internal Revenue at Office of the Ombudsman. Sabi ni Roxas, pasensiyahan na raw sa mga miyembro ng PNP na may mga hindi maipaliwanag na yaman at ari-arian sapagkat tatamaan sila ng kautusan. Wala raw sasantuhin dito. Maski raw si Purisima ay isasailalim sa lifestyle check at maski siya mismo ay sasailalim dito. Hindi raw niya ipatutupad ang lifestyle check kung siya ay hindi isasailalim dito.

Maganda ang ipatutupad na lifestyle check at sana hindi ito katulad ng ibang kautusan na agresibo lang sa umpisa pero kapag nagtagal na ay nanlambot na. Hindi sana ito ningas-kugon lang. Nagsasawa na ang taumbayan sa mga lider na pawang pangako lang ang ginagawa subalit wala namang ginagawa. Sana hindi ito ginagawa ni Roxas sapagkat mayroon siyang ambisyon na maging presidente sa 2016. Kapag hindi tinupad ni Roxas ang mga ipinangako, siya na rin ang sumira sa sarili.

Maraming police officials ang nagmamay-ari nang mga malalaking bahay, malalawak na lupain, paupahang apartments, maraming sasakyan, farm, palaisdaan, babuyan, bakahan at marami pang iba. Kung titingnan naman ang suweldo ng police officials, hindi ito tumutugma sa dami ng ari-arian.

Ang pagsasailalim sa PNP officials sa lifestyle check ay biglang lumutang makaraan ang pangingidnap ng mga pulis sa dalawang negosyante sa EDSA, Mandaluyong. Pawang mga pulis sa La Loma Station 1 ang sangkot sa kidnapping. Dalawang milyon ang kinuha ng mga pulis sa negosyante. Anim na sa mga pulis ang sumuko. Nabulgar na ang isang police official na hindi pa sumusuko hanggang ngayon ay may net worth na P8 milyon gayung ang suweldo ay P605,133 sa loob ng isang taon.

Umpisahan na ang lifestyle check para mabulgar ang mga opisyal ng PNP na gumagawa ng masama kaya nagkakamal ng pera. Paraan din ito para maisalba ang bagsak na image ng PNP.

 

Show comments