PINAYAGANG makapag-piyansa sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Zimmer Raz sa kaso nilang serious illegal detention na sa aking pagkakaalam ay isang non-bailable offense. Dahil hindi naman ako abogado, hindi ko alam kung paano nangyari ito. Mas lalong nagulat ang abogado ni Vhong Navarro sa ginawang desisyon, kaya gagawin lahat para malaman kung paano nakarating sa ganitong desisyon. Nagtaka na rin noon ang kampo nina Navarro kung bakit hindi isinama si Bernice Lee at Jose Calma na kitang-kita kasama naman ca CCTV.
Kaya ano na ang mangyayari kapag nakalaya na ang mga ito? Hindi kaya umalis na ng bansa? Tandaan na ilan sa mga kasama nila Lee ay nakaalis na ng bansa, o nagtangkang umalis. Ilan sa kanila ang nagtatago na. Hindi pa ba sapat na iyon para ipakita na takot silang mahuli dahil sa dami na ng ebidensiya? Ang walang kasalanan ay hindi takot humarap kanino man. Tandaan na nagtago rin si Lee at Raz, bago sila mahuli sa Visayas. Kilos ba ng mga “bayaning sumaklolo lamang sa kaibigan” ang mga iyan?
Alam na natin ang naiisip ng lahat kung bakit ganito na ang patakbo ng kasong ito. Palagi na lang talaga dehado ang biktima. Maging sa kaso ng pagpatay kay Enzo Pastor at sa kasong ito ni Vhong Navarro. Ayon sa abogado ni Navarro, gagawin nila ang lahat ng ligal na paraan para makamit pa rin ng kanyang kliyente ang katarungan, at maparusahan ang mga may sala. Sana nga.
Ito na rin ang dahilan kung bakit maraming mga biktima ng krimen ang ayaw pursigihin ang mga kaso laban sa mga nagkamali sa kanila. Napakaraming paraan na nakasaad mismo sa batas hinggil sa karapatan ng mga akusado. At pinag-uuspan lang natin ang mga ligal na pamamaraan. Hindi pa natin binabanggit ang iba pang mga pamamaraan. Maraming mga kaso ang nakakalusot na lang sa mga korte dahil nawawalan na ng gana ang mga nagsampa, dahil na rin sa mga pabor na desisyon para sa mga akusado, maliban sa takot at pangamba na sila’y buweltahan.
Hindi rin nakakatulong ang tagal ng mga kaso sa mga korte. Mabagal ang ikot ng gulong ng hustisya sa bansa. Isa pang katangian na pabor sa mga akusado. Kailan kaya magbabago ito?