TUNGKOL ito sa 320 square meters na lote na orihinal na pag-aari nina Ian at kanyang ina na si Nena. Unang ipinagbili ni Nena ang hindi pa nahahating parte niya sa lote kay Marco, isa pa niyang anak sa ikalawang asawa, noong February 21, 1977. Nakabili ng lupa si Marco sa 1?4 na bahagi ng lote ngunit hindi niya narehistro ang pagbibili dahil ayaw daw ibigay ni Ian sa kanya ang orihinal na titulo. Ayon naman sa sinumpaang salaysay ni Nena, nabigyan niya ng abiso ang lahat na interesadong tao na may karapatang tubusin ang lote kay Marco, lalo na kay Ian, ang kamay-ari niya sa lote.
Makalipas ang tatlong taon, ipinagbili muli ni Nena kay Ian ang nasabing parte ng lote sa pamamagitan ng isang quitclaim deed sa halagang P9,875.00. Nairehistro ito ni Ian sa Register of Deeds at nailipat ang titulo sa kanyang pangalan. Pagkatapos ay nagsimula na si Ian na aktwal at pisikal na mamusesyon dito at bayaran ang buwis nito.
Nang malaman ni Marco ang ikalawang pagbibili, hinarap agad nito ang ina na nauwi ang usapan sa barangay. Sa barangay ipinakita ni Marco ang mga patunay ng pagbibili sa kanya ng ina tulad ng deed of sale, sinumpaang salaysay ni Nena at ang abiso ng kanyang ina sa mga interesadong tao. Sinabi rin ni Marco ang pagkakait nina Ian at ng kanyang ina sa kopya ng titulo kaya hindi niya ito nairehistro. Samantala, depensa ni Ian ang kawalan niya ng kaalaman sa naunang pagbibili kay Marco. Iginiit niyang nalaman lamang niya ang ikalawang pagbibili nang magreklamo si Marco kaya nagsampa siya ng kasong ejectment. Gayunpaman, si Marco ang pinaboran ng korte,
Dahil sa nangyari, naghain si Ian sa Regional Trial Court (RTC) ng quieting of title ng nasabing lote laban kay Marco. Ayon kay Ian, hindi niya alam ang naunang bilihan sa pagitan nina Marco at kanyang ina. At dahil maagang namatay si Nena, hindi na ito nakapagbigay ng testimonya tungkol sa nasabing bilihan. Samantala, hindi naman binigyang halaga ng RTC ang tape-recorded na paglilitis sa barangay dahil ito ay hearsay. Hindi rin naisaalang-alang ang pagdismis sa kasong ejectment dahil ang isyu nito ay pamumusesyon. Kaya pinaboran ng RTC sina Ian at asawa nito batay sa mga dokumentong ebidensya na nagpatunay na sila ang may-ari ng lote. Sinang-ayunan naman ito ng CA. Tama ba ang CA?
TAMA. Sa pagitan ng dalawang nakabili ng iisang lote, mas pinapaboran ang karapatan ng naunang nagparehistro nito. Sa pagitan nina Ian at Marco, kikilalanin ang naunang pagpaparehistro ni Ian kahit na ikalawa lamang siyang nakabili at si Marco ang kasalukuyang namumusesyon sa lote. Bibigyan ng merito ang kawalan ng kaalaman ni Ian sa naunang pagbibili kay Marco.
Samantala, walang halaga ang naisagawang sinumpaang salaysay ni Nena na nagsasabing si Marco ang nauna niyang pinagbilihan dahil hindi nailakip sa salaysay ang pagpapatunay na nabigyan nga si Ian ng kopya ng abiso.
Ang salaysay na ibinigay sa labas ng hukuman ay mababang uri kaysa testimonyang naipahayag sa loob ng hukuman (Blanco vs. Rivera G.. 145878, April 25, 2006).