ISA sa mga mahahalagang pamamaraan ng mga alagad ng batas para mapigilan ang anumang uring kriminalidad ang checkpoint.
Kapag ang mga pulis, nakikitang agresibo at aktibong nagpapatrolya at nagta-trabaho sa mga lansangan, ang mga kriminal at halang ang bituka, magdadalawang-isip muna bago isagawa ang kanilang aktibidades.
Ito ang sinasabing crime prevention mode o pamamaraan na sa halip na resolbahin ang krimen, napipigilan na agad bago pa man mangyari.
Walang masama kung magsagawa ng checkpoint ang pulisya sa bawat kanto o sektor sa kanilang mga hurisdiksyon dahil ito ay para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Subalit, kapag ang checkpoint, isinagawa sa gabi lalo na sa madilim na lugar, walang nakapaskil na karatulang mayroon silang gagawing inspeksyon sa bawat motoristang dumadaan at nakapatay ang ilaw ng mobil ng pulis, may nangyayaring hokus-pokus.
Marami ang mga naitatalang kaso na ang motorista, pilit pinapababa ng sasakyan at kinakapkapan. Dito kadalasang nangyayari ang hulidap o “pagpa-planta” ng mga ilegal na droga.
Sa mandato ng pulisya, hindi maaaring isagawa ng pulis ang pagkapkap sa isang indibidwal ng walang permiso o pahintulot mula sa sabjek. Ang tawag dito ay consensual search.
Maliban na lamang kung mayroon silang natanggap na impormasyon na ang dadaan ay suspek sa isang krimen o ‘di naman kaya kahina-hinala. Iyon ay maaaring pababain ng sasakyan at isailalim sa frisking o pagkakapkap.
Sa bansang Amerika, istriktong ipinatutupad ang consensual search. Ilan ito sa mga responde ng mga PINOY-US COPS na taunang idinodukumento ng BITAG Team Ride Along sa California.
Sinumang isasailalim sa frisking lalo na kapag kaduda-dudang indibdiwal, itinatawag agad ng mga pulis sa central communication center o 911. Dito, natutukoy at nalalaman nila ang identidad ng kanilang sabjek.
Ang hubo’t hubad na katotohanan marami sa myembro ng Philippine National Police (PNP), hindi marunong magsagawa ng checkpoint.
Wala ring central communication system at data base na panggagalingan at pagbabatuhan ng mga impormasyon. Kaya, tuloy kadalasan, angcheckpoint, nagiging “raket” nalang ng mga mapagsamantalang alagad ng batas.
Iisa lang ang pamantayan sa pagsasagawa ng checkpoint.
Una, isinasagawa ito sa maliwanag na lugar, magalang ang mga pulis, bilang kortesiya may kasamang mga opisyales ng barangay na nakakasakop sa lugar, hindi patago at nakikita ng mga mamamayan.
Panoorin kung papaano ipinatutupad ng mga pulis ang batas sa Amerika. Log on, bitagtheoriginal.com click “PINOY-US COPS.”
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.