DALAWA ang kalatas ni Press Sec. Herminio Coloma tungkol sa Metro Rail Transit-3. Una, lalaanan ni President Noynoy Aquino ng P2.5 bilyon ang Dept. of Transportation and Communications para sa ayusin ang railway sa EDSA-Metro Manila. Ikalawa, itataas ng MRT-3 ang pasahe sa P28, mula P15, para ikabit sa Light Rail Transit-1.
Huwag kang umangal. Baka singhalan ka ni Coloma. Siya ang palalong spokesman ni P-Noy na nagsabi sa 560,000 daily riders na umaangal sa mahahabang pila, siksikan, at malimit na aksidente sa palakad ng gobyerno: “Hindi lang naman MRT-3 ang maaring sakyan; subukan niyo mag-bus.” Siyempre, mas mataas ang pasahe at mabagal dahil ipit sa traffic ang bus, pero walang pakialam diyan si Coloma.
Ani Coloma, io-overhaul ang 28 bagon, P1.156 bilyon; aayusin ang power substations, P870 milyon; upgrade ng signaling system, P184.7 milyon; at radio communications, P110 milyon; papalitan ang mga sirang riles, P119.5 milyon; papalitan din ang mga sirang traction motors, P984.5 milyon; at aayusin ang elevators at escalators, P50 milyon.
Talagang sinusuwerte sina DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at kumpare niyang Marlo dela Cruz ng mga maimpluwensiyang PH Trams at Global Inc. Binayaran ni Abaya ang PH Trams ng P517.5 milyon, at ang Global ng P756 milyon, kabuoang P1.3 bilyon, para i-mentena ang MRT-3 mula Okt. 2012 hanggang kasalukuyan. Imbis na tumupad sa kontrata, kinubra lang ni Marlo dela Cruz ang pera, at hinayaang malaspag ang railways. Katuwiran nila ni Abaya, io-overhaul naman kasi ang system sa 2015, ika-15 taong operasyon nito.
Samantala, sa kung magkanong dahilan, ililipat ni Abaya ang itatayong common station ng MRT-3 at LRT-1 mula sa planadong site noon pang 2003. Kumbaga, kumita pa siya mula sa himala!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)