Patay kang pulis ka!
DISMAYADO ang karamihan sa Philippine National Police (PNP) na mga mabubuting alagad ng batas dahil nga sa pagwasak ng imahe ng kapulisan dulot ng mga ilan sa kanilang sangkot sa mga krimen kasali na ang mga tinatawag na ‘hulidap’ cops.
Ang EDSA hulidap case ay isa sa pinakawalang takot na isinagawa ng mga sangkot na pulis ng Quezon City Police District kahit nga na nakikita ng buong sangkatauhan.
Nasundan naman ng isa pang kidnapping case sa Caloocan City na pulis na naman ang may pakana at may gawa.
Ni hindi na nga malaman ng mga mamamayan kung maniniwala pa ba sa taong nakauniporme na tinatawag na ‘mamang pulis’.
Ang tindi nga ng krisis na kinahaharap ng PNP ngayon. Inaabangan ng sambayanan kung ano nga ang gagawin ng mga pamunuan ng PNP sa predicament nito.
Kaya nga paulit-ulit na binabalaan ni Mayor Rodrigo Duterte na walang puwang ang mga bulok na pulis na sangkot sa anumang krimen dito sa Davao City.
Tiniyak ni Duterte na talagang papatayin niya kung sino man sa mga pulis dito na tahasang lalabag ng batas lalo na ‘yong sangkot sa hulidap, kidnapping at maging sa extortion o ano pa man.
Tiniyak naman ni Duterte na wala talagang sangkot sa hulidap sa hanay ng Davao City Police Office.
At sa kabila ng pagbabanta ay siniguro naman din ni Duterte na binibigyan niya ng sapat na suporta ang mga miyembro ng DCPO gaya ng rice allowance at kung ano pang mga ibang allowances maliban pa sa kanilang sahod.
Kaya paliwanag naman ng alkalde na wala na ngang dahilan ang mga pulis dito na gagawa pa ng krimen dahil ang mga pangangailangan nila ay tinutugunan naman ng local government.
Bukod sa mga personal na suporta sa individual na pulis dito, sinisiguro naman din ng lokal na pamahalaan na mabigyan na sapat na suporta ang mga istasyon ng pulis dito gaya ng mga police mobiles, gasolina at kung ano pa.
Ngunit dapat sanang tandaan din ng ating mga pulis na sa panahon ngayon na ang modernong teknolohiya ay namamayagpag wala na silang kawala dahil nga naglipana ang smart phones na nakukunan agad ang ano mang krimen o kabulastugan na gagawin nila. May citizen patrol o netizen agad na naka-post sa social media.
Wala nang lusot ngayon --- kaya patay kang pulis ka!
- Latest