‘Ang babaeng sinilid sa drum’ (Ruby Rose Barrameda Murder) (Ikatlong bahagi)

‘Ang Babaeng Sinilid Sa Drum’ (Ruby Rose Barrameda Murder) (Ikalawang bahagi)

SA pagpapatuloy ng seryeng ito, tungkol sa pagkawala ni Ruby Rose Barrameda-Jimenez, nakababatang kapatid ni Rochelle Barrameda. Matapos ang mahigit dalawang taon, sumulpot ang isang nagngangalang Manuel Aya Montero na siya umanong susi sa pagkawala ni Ruby.

Si Manuel Montero ay dating empleyado sa BSJ Company mula taong 1994 hanggang 2007 bilang Chief Operation.

Ika-18 ng Mayo 2009… nagkikita-kita sina Manuel at pamilya ni Ruby sa National Capital Region Police Office (NCRPO). Idinitalye ni Montero kung ano ang mga impormasyon na alam niya tungkol kay Ruby Rose.

“Ayon kay Montero, utos umano ni Atty. Jimenez II subalit si Lope ang namahala ng maselang detalye ng plano…” sabi ni Rochelle.

Tumibay ang kanyang hinala na may kamay ng mga Jimenez na nasa likuran ng pagkawala ng nakababatang kapatid. Bagamat kumpleto ang impormasyon ni Montero inabot pa ng isang buwan bago matunton kung saan matatagpuan si Ruby.

“Boya ang palatandaan niya dun daw tinapon ang steel case kung nasaan ang drum na pinaglagyan kay Ruby… may bagyo nun kaya tumigil pa sila sa paghahanap,” kwento ni Rochelle.

Mga magtatahong sa Cavite pa ang kinuha nilang taga sisid dahil ayaw ni Montero na may makaalam sa tinatrabaho nila.

Si Montero pa raw mismo ang nagturo kung saan banda sisisid ang mga magtatahong. Kasama rin siya sa pagsisid. Nang makapa ito ni Montero nilagyan niya ito ng tanda. Tinalian niya ang steel case at binuhol sa dulo ang isang boteng walang laman para lumutang.

Kinabukasan ika-10 ng Hunyo 2009, 8:00 AM kumilos na ang mga pulis at gumawa ng paraan para palutangin ang steel case. Nilubog ang anim na malalaking drum na walang laman. Itinali ito sa steel case dahil sa prinsipyo ng ‘buoyancy’ o lulutang ang anumang bagay na hangin ang laman nahila nito pataas ang steel case kaya nakuha ito. Binuksan ang steel case gamit ang  ‘electric cutter’.

Dumistansya si Montero kasama ng pulis subalit tanaw pa rin niya ang mga nangyayari. Nakatanggap ng mga text messages si Rochelle mula kay Montero.

“Sabi niya ‘wag po dyan tungkabin dahil baka tamaan ang ulo ni Ruby kaya dinahandahan namin ang pagbukas,” kwento ni Rochelle.

Nakahinang ang steel case at nakasimento sa drum. Sa loob ng drum nandun si Ruby, nakasimento rin. Inilagay siya sa dalawang lalagyan at pinuno ng simento.

Matapos mabuksan ang mga sisidlan, hindi pa rin makapaniwala si Rochelle na kapatid niya ang nasa loob ng drum. Naka-tape ang buong mukha ng bangkay. May busal sa bibig at nakaposas ang mga kamay sa likod.   

“Sabi ko paanong magkakasya ang kapatid ko dun. Malaking babae si Ruby tapos kapapanganak pa lang niya medyo malaki pa tiyan,” ani Rochelle.

Habang sinusuri ang bangkay napansin ng kanyang pinsan na may  kumislap sa ulunan nito. Nakita nila ang hikaw na suot ni Ruby bago siya mawala. Yun pa rin ang suot na damit ni Ruby nung pumunta siya sa bangko, ayon kay Rochelle.

Kinuhaan ng dugo ang mag-asawang Barrameda para sa DNA Tes­ting subalit dahil sa tagal ng pagkababad sa tubig, simento at silyado nawasak na ang mga tissues ni Ruby. Ang sumunod na hakbang ay inihambing ang ‘dental records’ ni Ruby at ito ay lumabas Odontological Report na parehas.

Kinabukasan agad nagbigay ng salaysay si Montero tungkol sa pagpatay kay Ruby. Pitong tao ang nginuso niya na sangkot sa krimen. Sila sina Manuel Jimenez Jr., Lope Jimenez--nakababatang kapatid ni Manuel, Eric Fernandez, Spyke Descalzo, Roberto Ponce o “Boyet”, Rudy De La Cruz at asawa ni Ruby na si Manuel Jimenez III o “Third”.

Base sa unang salaysay na ibinigay  ni Manuel Aya Montero nung ika- 18 ng Mayo 2009 sa loob ng CIDMB, RPIOU, NCRPO, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City sa harap ni SPO1 Bonifacio Lapuz at ng kanyang abogado na si Atty. Jay Francis Baltazar: Ayon kay Montero, nangyari ang krimen sa pagitan ng alas 10:00 at 11:00 ng gabi ng March 14, 2007 sa loob ng BSJ Compound, Lot 3, Gozon Commercial Complex, Letre Road, Malabon City.

“Ang nag-utos ng papatay kay RUBY ROSE JIMENEZ ay sina MANUEL JIMENEZ II at ang kanyang nakababatang kapatid na si LOPE JIMENEZ. Ang mga nagsagawa naman ng pagpatay ay sina Eric Fernandez, “Spyke” Descalzo na dating pulis  sa Limay, Bataan, Roberto Ponce alyas “Obet” at ako po na si Manuel Aya.”---laman ng salaysay ni Montero.

Umaga ika-12 ng Marso 2007, habang sila’y nasa conference room ng BSJ Cmpd, kinausap siya ng among si Lope Jimenez. Napagkasunduan nila na kukunin nina Obet, Spyke at Eric si Ruby Rose sa BF Homes, Las Piñas at dadalhin sa BSJ Compound. Doon sa BSJ Compound gagawin daw ang pagpatay kay Ruby sa pamamagitan ng pagsakal na gagamitan ng lubid.  “Kapag wala ng buhay ilalagay ang bangkay ni Ruby Rose sa isang drum at isisemento po namin ito. Pagkatapos isemento ang nasabing drum ay ilalagay namin ito sa ginawa kong steel box na kasyang-kasya lang ang nasabing drum at isisemento rin muli at pagkatapos ay iwi-welding ko ang nasabing steel box kung saan nakapaloob ang drum upang hindi kumatas ang bangkay.”---salaysay pa ni Montero.

Kahihiyan ng pamilya, ayon sa kanyang kapatid na si Atty. Jimenez na siyang nabanggit  sa kanya ng amo niyang si Lope ang dahilan ng pagpatay.            

Agad ipinagawa ni Montero sa tauhang si Rudy Dela Cruz ang steel box na paglalagyan ng drum kung saan ipapasok ang bangkay hanggang dumating na ang takdang araw na napag-usapang papatayin si Ruby.

“Nag-istambay lang ako sa BSJ Compound at naghintay ng tawag mula kay LOPE JIMENEZ at sa pagdating ng mga kasamahan ko na kukuha at maghahatid kay RUBY ROSE JIMENEZ sa compound.” ---sabi sa salaysay.

Bandang hapon ng March 14, 2007… dumating na si Ruby sa kanilang compound kasama sina Eric at Spyke na noo’y nakasakay sa kulay puting Ford E-150 na may commemorative plate na 111111. Ang Mitsubishi Galant na may plakang TNS-715 naman na pagmamay-ari ni Ruby ay minamaneho ni Obet.

“Dahil pinaubaya na sa akin ng boss ko na si LOPE JIMENEZ ang lahat ukol sa pagpatay kay RUBY ROSE, nilapitan ko ang nasabing sasakyan at akin itong binuksan…” ---salaysay ni Montero.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa LUNES.  EKSKLISIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

 

www.facebook.com/tonycalvento

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

Show comments