NAKAKABAHALA at nakakatakot ang nangyaring Edsa kidnap-hulidap. Hudyat ito na dapat magsagawa ng seryosong imbestigasyon ang Internal Affairs ng Philippine National Police (PNP).
Hindi sapat na sampahan lang ng kasong administratibo at kriminal ang lahat ng mga tiwaling pulis na sangkot sa kidnap-hulidap tulad ng sinasabi ni PNP Chief General Alan Purisima at NCRPO Chief Carmelo Valmoria. Kinakailangang ito ay makita, tutukan at pag-aralan dahil ang mga nasa likod ng krimen, dating may mga posisyon.
Tulad nina dating Chief Insp. Joseph De Vera, Senior Insp. Oliver Villanueva at dating Insp. Marco Polo Estreta, may kakayahan silang mangasiwa at mamuno sa isang presinto o istasyon. Ayon sa intel ng BITAG na mula rin sa intelligence community, may mga derogatory record ang grupo ng Edsa Kidnap-hulidap.
Dati na silang nasampahan ng iba’t ibang kaso taong 2005 at 2006. Subalit, naurong dahil ang mga nagrereklamo at biktima, umatras na. Sangkot din sila sa mga pyramiding at investment scam noong kasagsagan nito sa loob ng organisasyon. Natamasa nila ang “good life” at masasabing sila ay mga“high-living individual.”
Sa tagal na nila sa serbisyo, napag-aralan na nila ang mga kahinaan ng batas. Natuto at gumaling na silang gumawa ng krimen sa pamamagitan ng bulok at utak-kriminal nilang sistema. At dahil nakamtan na nila ang kumpyansa at dunong, malakas na ang kanilang loob. Inakalang malulusutan nila ang kahinaan at kakulangan ng criminal justice system sa bansa.
Sinabi ng aking intel na posibleng ang grupo ng EDSA kidnap-hulidap ay sangkot din sa iba pang malalaking krimen o kung tawagin ay “project.”
Ito ang mga kidnapping-for-ransom (KFR), midnight at broad daylight heist, bank robbery, drug operations at iba pa na tina-trabaho ng mga“per project criminal” kung tawagin.
Mayroong istruktura ang grupong ito. Mayroong tumatayong brains, financier at handler. Sa Edsa kidnap-hulidap, ang mga sangkot na lespu, maaaring sila na rin ang lahat ng nasa likod nito. Nagpapalamig at nananahimik ngayon ang mga lehitimong pusakal na kriminal. Ang nakababahala, ang mga “nakauniporme” naman ang aktibong tumitira.
Hindi ko naman nilalahat, pero dapat magsagawa ng malalimang imbestigasyon, background check at lifestyle check ang Internal Affairs ng PNP sa mga pulis partikular sa mga batchmate nina De Vera at Villanueva o ang Philippine National Police Academy batch 2001 dahil posibleng sangkot din sila sa mga naunang ikinasa nilang krimen.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.