NOONG Lunes ay pormal nang sinisi ni President Aquino III ang pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa nangyayaring grabeng trapik nitong mga nakaraang araw. Ayon sa kanya, ang truck ban ng Maynila ang sanhi ng pagkabuhul-buhol ng trapiko. Hindi raw mailabas ang mga containers sa Port of Manila at tuloy ay hindi natatapos ang pagtanggal ng bara sa port area. Ang netong epekto ay kapag nabara sa port area at sa mga ruta ng truck, barado na lahat.
Ang kritisismo, lalo na kung nakatukoy sa opisyal ng gobyerno, ay hindi dapat indahin at lagi sanang tanggapin. Di masukat na kabutihan na pihadong idudulot dala ng pagbabagong ibubunga. Subalit nawawala ang pagkalehitimo ng kritisismo kapag ang pumupuna ay hindi rin tapat ang intensiyon. Gaya halimbawa ng mga pumupuna para lamang pagtakpan ang sariling kakulangan.
Exhibit A: mismong si P-Noy sa kaso ng port congestion. Nag-umpisa ito nang pina-purge ng President ang mga posisyon sa Customs dahil daw sa mga nahuling “corrupt” daw. Dahil sa purge ay mahigit na 100 na posisyon ang nabakante, na ang resulta ay nabawasan ng ganoon ding bilang ang mga taong nag-iinspeksyon sa mga kargada. Kasunod nito’y inutos niyang isa-isahin ang pagbukas ng mga container upang inspeksyunin ang mga nilalaman. Nadoble ang trabaho subalit nahati naman ang gagawa ng trabaho. Siyempre, babagal ang lahat.
Ang pag-impose ng truck ban ay nakadagdag sa problema. Subalit ito’y isang problemang nandyan na ng matagal at nauna nang pinalala ng mga hakbang na ginawa ng Malacañang, bago pa man ipinatupad ng Maynila ang truck ban. Alam ito ng lahat, at alam ito ng Presidente.
Hindi magandang tingnan na imbes na akuin at hanapan ng kasagutan ang problema, ang inaatupag ay ang mandamay pa para lang pagtakpan ang sariling pagkukulang.