Sablay na Alcala kinukupkop pa rin
NATUNTON ni Justice Sec. Leila de Lima ang sanhi ng sipa-presyo ng bawang nu’ng Mayo-Hunyo. Hinayaan ng Bureau of Plant Industry si umano’y smuggler, apelyidong Cruz, na solohin ang kalakal ng bawang at magtaas-presyo nang 12 beses hanggang P420 per kilo. Pananagutin daw si noo’y BPI director Carlito Barron.
Malimit purihin ni Agriculture Sec. Proceso Alcala si Cruz. Direkta sa ilalim niya ang BPI. Siya ang nagtalaga kay Barron na pinuno ng BPI. Nang sibakin si Barron nu’ng Hulyo dahil sa galit ng mga mamimili, hinirang siya ni Alcala bilang special technical assistant.
Pinarerepaso ni Presidential Assistant on Agriculture & Food Kiko Pangilinan ang P1-bilyong overprice ng National Food Authority sa cargo handling ng Vietnam rice nitong 2014. Sanhi ito ng “tong-pats” na $30 kada tonelada na freight handling ng 800,000 toneladang angkat. Sangkot ang mga nagpilit sa Vietnam ng paboritong shipping company, sina NFA chief Orlan Calayag at executive assistant Dennis Guerrero.
Si Alcala ang chairman ng NFA. Dati niyang congressional aide si Calayag, na pinauwi niya mula America para hawakan ang ahensiya. Ipinasok niya ito miski walang alam sa food security; at US citizen ito, kontra sa batas na natural-born Filipino ang NFA chief. Demandado sila sa P2.4-bilyong overprice ng Vietnam rice nu’ng 2013.
Nang mag-resign sina Calayag at Guerrero nang sakupin ni Pangilinan ang NFA, sinaklolohan sila agad ni Alcala. Nilipat niya sila sa kanyang opisina bilang assistant secretary at chief of staff.
Sa kabila ng pagkakanlong ni Alcala sa mga nagpapahirap sa magsasaka at mamimili, pinananatili siya ni President Noynoy Aquino sa Gabinete. Bakit kaya? Ito ba’y dahil tresurero si Alcala ng naghaharing Liberal Party ni P-Noy, o meron pang mas malalim na rason?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest