Come on, si Pamatong talaga?

LUMALABAS na parang  isang diversionary tactic ang balitang naagapan nga raw ang isang tangkang pambobomba sa NAIA Terminal 3 noong Lunes. Kung sino ang may pakana, ’yan ang hindi ko alam.

Kasi ba naman idinawit pa ang napakasikat na abogadong si Ely Pamatong na siya umanong may pakana  sa tangkang pambobomba sa NAIA 3. Whew! Si Pamatong talaga?

At hinuli pa nga si Pamatong sa NAIA Terminal 2 noong Miyerkules nang siya’y dumating sa Manila lulan ng eroplanong na galing ng Cagayan de Oro City. At dineretso agad siya sa National Bureau of Investigation headquarters.

Agad naman siyang nakapagpiyansa noong Biyernes  na kung saan inamin na rin niya na siya ang commander-in-chief ng grupong USAFFE at chief of staff niya si Grandeur Guerrero, isa sa mga nahuling suspek.

At ang NBI ay patuloy ngayon sa pangangalap ng ebidensiya upang patunayan kung may kinalaman nga si Pamatong sa nabigong pagtatangka sa NAIA3, SM Mall of Asia, Chinese Embassy at DMCI Bldg sa Makati.

Hinuli si Pamatong noong Miyerkules hindi dahil sa tangkang pambobomba sa NAIA3 kundi may kinalaman ito sa isang kaso niya pitong taon na ang nakaraan.

Totoo ngang maraming kalokohang ginawa si Pamatong. Ang dami niyang kinasuhan noon kasali na nga si Pope Benedict XVI at si Cardinal Gaudencio Rosales dahil sa human rights violations for alleged disturbance of public order, swindling and teaching immoral doctrines.

Tumakbo nga siyang pagkapangulo noong 2004 at bilang kongresista naman dito sa Davao City noong 2010. Kaya kaliwa’t kanan ang kinasuhan naman niya dahil nga sa kanyang pagkatalo sa pulitika.

At kung totoo ngang naging security threat si Pamatong at ang kanyang grupo eh, di matagal nang ni-raid ni Mayor Rodrigo Duterte at ng mga police at ng iba pang mga  intelligence groups ang kanilang headquarters dito sa Davao City. Hindi makakalusot dito si Pamatong kung sakali ngang isa siyang security threat.

Lantaran naman ang grupo ni Pamatong dito at malaya namang nakakagalaw ang kanyang mga tauhan na labas-masok sa kanilang sinasabing headquarters.

Hindi naman marangya ang headquarters ni Pamatong na kung saan siya nagmiministro sa kanyang kongregasyon at kung saan niya inisip ang pagpatayo ng isang Republic of Mindanesia na hindi na maging kasapi ng Pilipinas ang Mindanao.

Gumawa pa nga si Pamatong ng sariling niyang Bibliya na puno naman ng mga larawan niya. Pinalitan niya ang existing na Holy Bible at may ilang kopya na rin siyang naimprinta.

Kaya ang paggamit kay Pamatong sa tangkang pagpasabog sa NAIA3  at sa iba pang gusaling pag-aari ng mga Intsik ay hindi kapani-paniwala.  Sana naman ‘yung mas kapani-paniwala ang idinawit nilang utak ng tangkang pagpasabog sa NAIA3.

Sa isang salita, mas malakas ang kahol at walang kagat si Pamatong. 

 

Show comments