EDITORYAL - Marami na namang Tsinoy na kinikidnap

NOONG isang araw, naging viral sa social media ang photo na tinututukan ng baril ng apat o limang lalaki ang mga sakay nang hinarang nilang SUV habang nasa EDSA. Binasag pa umano ng mga lalaki ang salamin ng SUV. Pagkaraan niyon ay tinangay ng mga lalaki ang SUV at hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung nasaan ang mga sakay ng SUV. Malakas ang hinala na kinidnap ang mga sakay ng SUV at  ipatutubos. Bagamat nakunan ng retrato ang insidente, hindi naman nasapol ang plaka ng mga sasakyang ginamit. Nananawagan ang pulisya sa mga nakasaksi na ipagbigay alam sa kanila ang mga plate number ng sasakyan para madaling malutas ang kaso ng panunutok. Malaki ang hinala ng mga awtoridad na kinidnap ang mga sakay ng SUV.

Dumarami ang mga kinikidnap at karamihan ay mga Pilipino-Chinese. Ayon sa report, mula Enero hanggang Agosto, 16 na insidente ng pangingidnap na ang nangyari at pawang ang biktima ay mga Tsinoy. Ipinatutubos sa malaking halaga ang mga kinikidnap.

Katulad ng ginawa sa isang Tsinoy businessman na kinidnap sa Mindanao Avenue Extension, Caloocan City noong nakaraang Miyerkules. Nagdemand ng P20 milyong ransom ang mga kidnapper. Nakipag-negotiate ang pamilya ng biktima at ibinaba sa P15 milyon ang ransom. Subalit hindi na naibigay ang ransom sapagkat pinatay ng mga kidnapper ang Tsinoy. Binaril sa ulo at tinapon ang bangkay sa Bulacan. Pagkaraan ay tinawagan ang pamilya at sinabi kung saan makikita ang bangkay. Umano’y nalaman ng mga kidnapper na nagsumbong ang anak ng biktima sa mga awtoridad na ikinagalit ng mga ito.

Naalarma ang mga Tsinoy sa nangyayaring pagtaas ng bilang ng mga kinikidnap. Ayon sa kanila, halos araw-araw na ay mayroong kinikidnap at hindi lamang nairereport sa pulisya dahil sa takot ng mga kaanak. Noong nakaraang linggo, dalawang Tsinoy pa ang kinidnap umano ng armed men habang pauwi sa bahay.

Ang pagkilos ng PNP at iba pang law inforcement agencies ay nararapat paigtingin. Gumawa sila ng paraan kung paano matutunton ang sindikato at i-rescue ang biktima sa maayos na pamamaraan. Makipag-coordinate sa kaanak ng biktima. Ngayong papalapit ang 2016 elections, maaaring tumaas pa ang bilang ng kidnap victims. Maging alerto rin naman ang lahat sa mga may masamang balak.

 

Show comments