NANG makapasok sa FIBA World Cup ang ating Philippine National Team, walang nag-ilusyon na may pag-asa tayong mapanalunan ang prestihiyosong tournament na kinalalahukan ng lahat ng major basketball powers sa mundo. Maaring parang Cinderella story ang kuwento ng ating paglampaso sa mga Asian champions subalit, kung ikumpara sa kalibre ng World Cup, ang Asian teams ay para ngang fairy tale stories laban sa realidad ng mga halimaw ng Amerika, Europa, Russia, Africa at South America. Kung kaya boundary ang tingin ng lahat sa ating pagsali – ang ekspektasyon ay mamamasyal na lang ang ating koponan sa Espana at maging basketball fans sa mga iniidolo nilang basketball superpowers.
Tulad ng inaasahan, sa pag-umpisa ng elimination rounds ng Kopa, sa tatlong nauna na nating laban ay perfect ang ating iskor. Sa tatlong laban, wala tayong ni isang napanalunan. Pero teka lang. Bakit kung tingnan ang ating mga kababayan, maging tagahanga man ng basketball o hindi, may nakikita tayong kakaibang sigla at kasiyahan sa performance ng ating National Team, ang Gilas Pilipinas? Para bang kahit hindi tayo nanalo sa ating mga nakaharap, hindi rin natin itinuturing na tayo’y natalo. Hindi sikreto ang kasagutan sa bugtong na ito – dahil nasaksihan ng lahat habang sinusubaybayan ang laban ng Gilas ang pinamalas nilang tapang, dedikasyon, at puso. Hindi lang Pilipino ang nakahalata nito – maging ang mga batikang komentarista ng higanteng sports networks ang nagkaisa at pinuri ang Pilipinas sa ugali nitong never say die.
Pumasok tayo sa kampeonato nang nalalaman ang ating limitasyon. Hindi ito naging balakid sa ating paghabol sa ating inaambisyon. At sa huli, kahit hindi natin naabot ang mas abot ng higit na matangkad sa atin, naipakita natin sa lahat na pagdating sa puso at karakter, tayo ang pinakamataas ang tindig.
Kahapon ay binasura ng Committee on Justice ang impeachment complaints laban kay P-Noy dala nang mas maraming bilang ng kanyang mga kakampi sa lupon. Inaasahan na natin ‘yan – walang nag-iilusyon. Subalit saludo tayo sa mga nangahas magsampa ng reklamo. Ipinakita ninyo na mas mataas ang inyong tindig.