NOONG dekada 60 nang ako’y tin-edyer pa ay may sikat na programa sa Channel 11 ng Elizalde Tri-Media na “Night Owl Dance Party”. Ito ang nagpasikat sa broadcaster na si Otillo “Lito” Gorospe. High School pa ako noon.
Nangunguna noon ang Channel 11. Diyan tumaginting ang mga pangalang Lito Gorospe, Eddie Mercado, Johnny Wilson at maging si Ka Kiko o Frankie Evangelista. Lahat sila ay pumanaw na. Ang pinakahuling namatay ay si Lito na hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay ay may pang-Linggong programang Mr. Music sa DWBR 104.4 fm na dito’y mayroon din akong musical program sa tinatawag na “golden years block”.
Prenteng nanonood ako ng telebisyon, dakong alas-nueve ng gabi nang nag-text sa akin ang broadcast engineer ng DWBR na si Andy Poblete na naglahad ng malungkot na balita. Aneurism sa sikmura. May pumutok na ugat sa kanyang tiyan at bagamat nadala pa sa ospital ay hindi na nailigtas. Hindi inaasahan ang pagyao ni Lito.
Walang pagbabago ang taginting ng kanyang boses. Magaling na announcer. Tinanong ko siya kung ano ang kanyang sikreto at nananatili ang kanyang galing sa pamamahayag sa radyo. Pabirong sinabi niya: “I do everything wrong Al” sabay ang malutong na tawa.
Nasali ako sa golden years block dahil hiniling ko ito kay Lito. Bukod kay Lito, kasama namin sa Sunday broadcast ang mga old timers na announcer tulad nina Rene Quitorio at Manny Carvajal. Dati’y kasama rin sina Jo Sandiego at Ernie Zarate.Ginagawa namin ang pagbobrodkas nang walang bayad dahil nasisiyahan na kaming gunitain ang pagsisimula ng radyo sa bansa. Dati ring nakasama sa golden years block sina Eddie Ilarde at Bong Lapira at ang mga namayapa na ring sina Barr Samson at Eddie Mercado.
Una kong nakilala si Lito nang nag-cover ako bilang reporter sa Malacañang sa panahon ni Marcos. Mayroon siyang pinamunuang importanteng departamento sa press office noon. Agad inabo ang mga labi ni Lito at nakalagak ito sa Loyola Chapels sa Commonwealth Avenue, QC. Rest well Lito and we will surely miss you so much.