MARAMING nagulat sa ginawa ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya noong Huwebes nang sumakay ito sa Metro Rail Transit (MRT) sa Ortigas Station dakong ala-una ng hapon. Sumakay si Abaya para malaman ang kalagayan ng MRT. Mula sa Ortigas Station nagtungo sa North EDSA Station si Abaya. Ligtas naman siyang nakarating sa North EDSA. Walang naranasang problema o aberya.
Pagbaba sa North EDSA, ininspeksiyon ni Abaya ang ginagawang station sa tapat ng SM City at Trinoma. Pagkatapos niyon ay umalis na si Abaya. Hindi siya nahirapan sa pagsakay sa MRT. Ni hindi siya pinawisan sapagkat sandali lang siyang nagbiyahe. Hindi niya naranasang pumila.
Kung talagang gusto ni Abaya na malaman kung bakit nagkakaaberya ang MRT, dapat sumakay siya kung kailan tambak ang pasahero. Kung gusto niyang maranasan ang hirap nang pagsakay sa MRT, dapat itinaon niya ang pagsakay sa umaga. Kung sumakay siya ng alas sais ng umaga sa North EDSA station, tiyak na makikita niya ang paghihirap ng mga pasahero para makasakay sa MRT. Sana, hinamon ni Abaya ang sarili at sumakay sa MRT sa oras na maraming tao at nagkukumahog para makapasok sa trabaho. Sana nakita niya kung gaano kahaba ang pila sa North EDSA na halos umabot na sa gate ng isang private subdivision. Bago makasampa sa station ang mga pasahero ay nagdanas na sila ng grabeng init, usok mula sa mga sasakyan at matin-ding alikabok habang nakapila. Para makakuha ng tiket o card, mahabang pila na naman ang bubunuin at saka pa lamang makakalapit sa rampa. Pero hindi pa doon natatapos ang kalbaryo sapagkat ang tren na sinakyan ng mga pasahero ay tumirik bago pa makarating sa susunod na station.
Kung ganito sana ang naranasan ni Abaya, tiyak na magkakaroon siya ng pagpupursigi para iprayo-ridad ang pangangailangan ng MRT. Maaaring hindi siya magwawalambahala sa mga sunud-sunod na aberya. Pinakamatindi ay nang mag-overshoot sa station ang isang tren at inararo ang barriers na ikinasugat ng 30 katao.
Walang nadama si Abaya nang sumakay sa MRT sapagkat saglit lang ang inilagi niya at hindi pa rush hour. Subukan muli niyang sumakay. I-challenge niya ang sarili.