ANG sumusunod sa Salita ng Panginoon ay maraming pagsubok. Akala natin, kapag tapat sa pagsunod sa Kanya, pawang gantimpala ang ibibigay sa atin. Habang tayo ay nasa lupa, maraming pagsubok ang mararanasan.
Akala nang marami, ang paglilingkod sa Panginoon ay pawang gantimpala ng kapayapaan at karangyaan. Katulad ng sinabi ng isang ina sa anak na lalaki, “Mag-pari ka at gaganda ang ating buhay.” Sabi naman sa anak na babae na gustong mag-madre, “Anak huwag kang mag-madre at marami hirap ang iyong mararanasan.”
Naranasan ni Propeta Jeremias na sa pagsunod niya sa tawag ng Panginoon ay pinag-tawanan at inuyam siya ng kapwa. Sa kanyang pangangaral ay sinigawan siya na sira ngunit noong sabihin niyang lilimutin na niya ang Panginoon ay para namang apoy na nag-aalab sa kanyang puso na nakakulong sa kanyang buto. Hindi niya maiwasan ang tawag ng Panginoon.
Maging si Pablo sa kanyang liham sa mga Romano ay nagsabi na ang masaganang habag ng Diyos ay ating matatamo kung iaalay ang sarili sa buhay na banal at pagpapakasakit sa mga pagsubok ng Panginoon. Iwasan ang takbo ng mundong ito. Si Pedro na noong nakaraang linggo ay pinagpala ni Hesus sa pagpapahayag niyang si Kristo ang anak ng Diyos na buhay. Ginawa siyang pinuno ng ating simbahan.
Nag-akala marahil si Pedro na pawang kapangyarihang pandaigdig ang itatayo ni Hesus kaya sinabi nito: “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao”. Kadalasan ang isang tunay at wagas na mag-kaibigan ay nagsasabi ng katotohanan. Si Pedro ang alagad ng Panginoon ay nagkaroon ng pagkakamali; hindi niya matanggap ang misyon ni Hesus na pawang pagbabata nang maraming hirap, ang krus!
Sinabi ni Hesus: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin”. Gumaganti ang Diyos sa bawa’t tao ayon sa kanyang ginagawa.
Jeremias20:7-9; Salmo62; Roman 12:1-2 at Mateo 16:21-27
* * *
Happy birthday Bro. Napoleon Costel.