LAGI naming sinasabi na kung magiging seryoso lamang ang Philippine National Police (PNP) sa paghahanap sa mga wanted criminal at iba pang nagtatago sa batas, tiyak na malulutas ang krimen. Walang pagtataguan ang mga wanted kapag laging nakaalerto ang mga pulis at tinutupad ang kanilang tungkulin. Tiyak na babagsak sa kanilang mga kamay ang mga criminal at maihahatid sila sa kulungan. Sa ganitong paraan matatapos ang pagkauhaw ng mga kaanak ng biktima sa inaasam na hustisya.
Ang pagkakadakip ng PNP sa suspected killer ng international car racer na si Enzo Pastor ay bunga nang mahusay na pagtatrabaho ng mga alagad ng batas. Nakagawa ng magandang paraan ang mga pulis para madakip ang suspect. Dahil nagtutulak ng shabu ang suspek na si PO2 Edgar Angel, dito nagsimula ang pulisya para malutas ang pagpatay sa car racer. Kumanta ang suspek na siya ang gunman ni Enzo. Umano’y isang businessman ang nag-hire sa kanya para itumba ang car racer. Binayaran siya ng P100,000 at may bonus na P50,000 kapag natapos ang pagpatay. Nang mga sandali namang iyon ay walang kaalam-alam ang businessman, na nahuli na ang gunman. Nang tawagan siya nito para kolektahin ang P50,000 bonus, nagkasundo silang magkita. Nang iniaabot na ang pera, dinakma ng mga pulis ang businessman. Ayon sa salaysay ng gunman may relasyon ang businessman at ang asawa ng car racer.
Ayon sa PNP malapit na sa kalutasan ang pagpatay na car racer. Umabot nang mahigit dalawang buwan bago nahuli ang gunman. Binaril si Enzo noong Hunyo 12 sa kanto ng Congressional at Visayas Avenue habang nakatigil ang minamanehong truck lulan ang sasakyang pangarera na dadalhin sana sa Clark para sa kompetisyon. Makaraang barilin, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.
Tagumpay ang PNP sa kasong ito at sana, ipakita pa nila ang husay sa paglutas sa iba pang malalaking krimen. Naniniwala kami na marami pang pulis ang tapat at dedikado sa pagtatrabaho para malutas ang kaso. Umaasa ang mamamayan na magtatrabaho pa nang husto ang PNP.