HINATULANG guilty si dating Congressman Dennis Roldan sa kasong kidnapping noong Martes ng umaga. Panghabambuhay na kulong ang naging sentensiya niya. Si Roldan ay dati ring artista. Agad inutos ng korte na ihatid na siya sa New Bilibid Prisons para makulong na. Ang kidnapping ng isang batang tatlong taong gulang Filipino-Chinese ay naganap noong 2005, kung saan si Roldan ang itinurong mastermind. Umamin ang mga kasama ni Roldan, kaya hinuli. Namukhaan pa ng biktima si Roldan na siyang nagpalakas ng kaso laban sa dating aktor, basketbolista at mambabatas. Pagkalipas ng higit siyam na taon, ibinaba na ang hatol ng korte. Umiral ang hustisya. Laking tuwa naman ng mga kamag-anak ng bata.
Masaya ang Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) sa naging hatol ng korte. Sana raw ay ang mga ibang kasong kidnapping ay magkaroon na ng desisyon. Kailangang masugpo na ang krimen ng kidnap-for-ransom. Marami ang nagtatrabaho nang maayos para kumita. May mga masasamang-loob na ang layunin lang ay kunin ang pinaghirapan ng marami. Salot ng lipunan ang kidnapping. Kaya tama lang na panghabambuhay na kulong ang sentensiya at wala nang death penalty sa bansa. Hikayat din sa lahat ng biktima ng kidnapping-for-ransom na lumaban, magsampa ng kaso at tutukan laban sa mga nagkasala sa kanila. Ang kasong ito ni Roldan ay patunay na may hustisyang makakamit, kahit mahirap, matagal at peligroso kung magiging matiyaga lamang at maniwala sa sistema ng hustiya ng bansa. Ayon sa MRPO, mas malaki pa ang ginastos ng pamilya ng bikitma kaysa sa pantubos na hinihingi sa kanila, pero hindi sila sumuko bagama’t may pangamba na baka matalo pa sila sa kaso dahil sa mga koneksyon ni Roldan na noon ay makapangyarihang tao. Namatay pa ang ama ng biktima noong 2008 kaya hindi na inabot ang tagumpay ng kanyang pamilya laban sa mga kriminal.
Ito ang mga tagumpay na dapat ikinatutuwa. Sa bansa natin, tila mas lamang lagi ang mga akusadong tao kaysa sa mga biktima. Maraming mga kaso ng kidnapping ang hindi nare-report dahil sa takot sa mga kriminal na balikan sila’t bawian. Sa kaso ng biktima ni Roldan, lumaban sila at nagtagumpay. Sa tulong nang marami, hindi maaaring magtagumpay ang krimen.