KUNG nagkasala ang mag-amang Vice President Jojo Binay at Makati Mayor Junjun Binay sa sinasabing overpriced parking building sa Makati, isampa ang kaso sa Ombundsman. Iyan ang pinakatumpak na dapat gawin. Kahit sinong ordinaryong mamamayan, basta’t may pruweba na may nangyaring pagwawaldas ng pondo ng bayan ay dapat gawin iyan.
Pero ang usaping ito ay nakaladkad sa bulwagan ng Senado. Ummm..nangangamoy demolisyon. Sa Senado ay con todo live coverage sa telebisyon ang nangyayari sa mata mismo ng taumbayan. Nagiging kadudaduda ang motibo.
Hindi ko kinakampihan si Jojo Binay pero kung susuriin natin, nangyayari ang massive demolition na ito sa panahong nananatili sa rurok ang kanyang popularidad ayon sa mga isinasagawang surveys.
At sino ang mga pursigidong dikdikin siya sa loob ng Senado at sa pambansang telecast? Dalawang may matayog na ambisyon din na pumupuntirya sa Panguluhan: Sina Senador Sonny Trillanes at Alan Peter Cayetano.
Hindi ko pinapawalang-halaga ang kaso laban sa mag-amang Binay. Maselan iyan at interes ng publiko ang nakataya kung totoo. Kung nagkasala sila, aba eh dapat silang mabilanggo. Pero gaya nang nasabi ko, poder iyan ng Ombudsman at Sandiganbayan.
Sabihin na nating may poder ang Senado para busisiin ito, ang kuwestyon ay totoo ba na ang imbestigasyon ay “in aid of legislation?” Baka naman in aid of demolition?
Mag-isip-isip sana sina Trillanes at Cayetano at baka mag-backfire sa kanila ang pangyayaring ito. Kahapon ay nagsalita na rin si VP Binay at binatikos ang Senado sa kanilang ipinakikitang partiality sa pagdinig sa kaso. Na kapag testigo sa panig ng Binay ang nagsasalita, brusko ang pagtatanong ni Trillanes at binabantaan pang isasama sa kasong plunder.
Pero kapag mga testigo nila ang nagsasalita ay parang ginagabayan pa ang mga ito sa kanilang dapat sabihin. Halatang-halata iyan at wika nga, walang finesse. Akala ko pa naman, narating na nating ang political maturity bilang mga Pilipino. Tama na sana ang dirty politics.