No Elections
SAPUL nang mapatalsik si Ferdinand E. Marcos sa kapangyarihan at nagkaroon tayo ng limang Presidenteng pumalit, laging naiti-tsismis ang No-El na ang ibig sabihin ay “no elections” para manatili sa posisyon ang nakaupong Presidente.
Noong panahon ni Presidente Cory Aquino, sari-saring scenario ang lumutang na hindi naman nagkatotoo. Naririyan ang ”God Save the Queen” isang uri ng kudeta na doo’y gagawing “figurehead leader” si Cory pero ang militar at ilang pulitiko ang tunay na magpapatakbo ng pamahalaan. Marami ring mga nangyaring kudeta nang mga panahong yaon na pulos nangabigo.
Palibhasa’y transition president si Cory at di pa buo ang bagong Konstitusyong nagtatakda ng limang-taong terminong panunungkulan ng Pangulo nang walang reeleksyon, umabot siya ng anim na taon sa puwesto.
Noon lamang mabuo ang bagong Konstitusyon na nagtatakda ng petsa ng eleksyon at taning ng panahong panungkulan ng Presidente tumugon si Cory sa itinatadhana ng bagong batas. Nagkaroon ng eleksyon at ang nanalong Presidente ay si Fidel V. Ramos.
Pero bago ito ay maugong na maugong ang “no-elections” scenario. O kaya kung magkaroon ng eleksyon, tatakbong muli si Cory dahil naupo siya sa pagka-pangulo sa bisa ng dating Konstitusyon at hindi siya saklaw ng term limits sa bagong Karta.
Hindi kasi power hungry si Cory at totoong walang karanasan sa polit ika. Naniniwala akong parang sinisilaban ang puwet niya sa pagkakaupo bilang Pangulo. Kaya ang tsismis na walang eleksyon ay labis niyang ikinairita.
Inimbitahan niya ang mga reporters sa Malacañang sa isang pananghalian at nasorpresa kaming mga nagsidalo nang nagboluntaryo siyang umawit ng lumang awiting may pamagan na “I’ll never Smile again” na binago niya ang letra para lang ipagdiinang ayaw na niyang maging Pangulo.
Sa halip na I’ll never Smile again, ginawa niya ito’ng “I’ll never run again, pang-snap election lang ako.”
Alam kong natatandaan ni President Noynoy ang okasyong ito pati na ng kanyang mga kapatid na ang karamihan ay naroroon sa naturang okasyon. Masarap gunitain ang lumipas!
- Latest