TALIWAS sa “Matuwid na Daan” ng sarili niyang admi-nistrasyon ang pagyuyurak ni President Noynoy Aquino sa Konstitusyon. Dalawang kabaluktutan ang pakay niya: Tigpasin ang kapangyarihan ng Korte Suprema na repasuhin ang kilos ng Ehekutibo at Lehislatibo, at palawigin ang sarili sa Panguluhan. Dala ito ng ngitngit niya sa Korte na tinuring na ilegal ang kanyang presidential pork barrel na Disbursement Acceleration Program (DAP) -- P177 bilyon nu’ng 2011-2013.
Suportado ng mga ganid na mambabatas ang Charter Change ni P-Noy. Para sa kanila, paraan ito para maibalik din ang congressional pork barrel nila na Priority Development Assistance Fund, na naunang pinasyang unconstitutional ng Korte. Nakaw na tig-P200 milyon kada taon ito sa bawat senador, at P70 milyon kada kongresista.
Kapag nanaig ang Charter Change ng Ehekutibo at Lehislatibo, maglalaho ang pagbabago na hangad ng matitinong Pilipino. Mananatili ang political dynasties, na hihigop sa DAP at PDAF na yaman ng bayan. Dudumi pa rin ang mga halalan: Sikretong bilangan ng boto batay sa highest bidder sa sistema ng precinct count optical scanners, o PCOS.
Huwag nating palusutin ang maitim na balak ng naghaharing uri sa politika. Isulong natin ang reporma tungo sa ganap na demokrasya. Lumahok tayo sa mga kilos protesta sa araw na ito sa Luneta, Manila; sa Cebu City; at iba pang pook. Pumirma tayo ng pagsalungat sa pagpapalawig ni P-Noy sa poder. Makibaka, huwag matakot!
* * *
Ika-46 na anibersaryo ng kapatirang Sigma Kappa Pi sa Sabado, Aug. 30. Inaanyayahan lahat ng EKIT na dumalo. Alamin ang detalyes kay: Danny Co, (0917) 3591957; Romarx Salas, (0915) 3257181, (0918) 9016551; Mike Mabutol, (0920) 9380118; o Bing Villarta, (0915) 8716762.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).