Ramon Bautista natuto sa sariling birong ‘hipon’

AGAD namang  nagpakumbaba ang komedyanteng si Ramon Bautista nang pinuna ng mga taga-Davao ang kanyang biro na maraming ‘hipon’ dito sa Davao City nang siya ay nag-perform sa Kadayawan Invasion rave party noong August 16 sa Davao Crocodile Park complex.

Offensive kasi ang dating ng salitang ‘hipon’ lalo na pag ginagamit itong ‘slur’ sa paglalarawan ng kababaihan. Ang ibig sabihin kasi nito ay maganda ang katawan ng isang babae ngunit pangit ang mukha na gaya ng hipon maganda ang katawan ngunit tinatapon ang ulo nito.

Unang pinuna ni dating Mayor Sara Duterte ang biro ni Bautista nang nag-post siya sa kanyang Facebook:

“Attended this Kadayawan Invasion and heard this (Ramon Bautista) guy say “hipon” ang mga babae sa Davao. Pila sa ako mga fb friends ang konsehal… if you do not call out this guy as a persona non grata, your doing a disservice to women all over!! P at F to you Ramon Bautista! bisita ka lang, gumalang ka,”  sinabi ni Sara sa kanyang FB post noong gabing iyon ng August 16.

At napansin din ito ng kapatid niyang si kasalukuyang vice mayor Paolo Duterte na agad-agad namang kinompronta si Bautista at pinahingi nga ng paumanhin sa mga nasa sa rave party.

Nag-apologize naman si Bautista sa mga sinabi niya — “I’m here in front of you to say my apologies because sinabi ko ang daming hipon dito. Oo nga, nahihiya po ako sa inyo because you welcomed me in your beautiful city. Andito po ako lagi at nag-e-enjoy po ako dito. Para masabi ko po yung mga yun na marami sa inyo ang na-offend. I’ll say my sincerest apologies, sana po matanggap niyo,” he said.

Bautista added, “Andito po ako para makisaya sa Kadayawan Festival at para maging enjoyable ang gabing ito. From the bottom of my heart, sobrang nahihiya po ako sa inyong lahat. Sana mapatawad niyo po ako. Mahal ko po kayong lahat.”

At hindi pa nagtapos ang lahat sa gabing iyon ng August 16 dahil nga kahit na nag-apologize na si Bautista ay dineklara pa rin siyang persona non grata ng Davao City Council noong August 19.

Sinabi naman ni Bautista na handa siyang tanggapin ang consequences ng kanyang actions noong gabing iyon.

Ngunit kahit na nga si Mayor Rodrigo Duterte ang nagpahayag na ‘move on’ na kasi humingi na nga ng tawad si Bautista at panahon na upang isantabi ang issue. Wala na nga raw magawa pa kundi ipagpatuloy na natin ang kanya-kanya nating mga buhay pagkatapos ng kung anumang idinulot ng ‘hipon’ joke.

Binigyang-diin ng nakatatandang Duterte na dapat maging­ maingat ang mga komedyante o kahit sino sa mga salitang binibitawan lalo na dito sa Davao City  dahil nga nanggagaling sa iba’t ibang ethnic origins itong residente dito.

Sa laki ba naman ng kontrobersiyang dulot ng kanyang birong ‘hipon’ dito sa Davao City,  imposibleng walang natutunan si Bautista.

Dapat lang talagang ilagay ni Bautista sa isip at puso niya ang mga salitang ‘sense and sensibilities’ ng isang lugar kahit saan siya magtatanghal sa susunod.

 

Show comments