NAPAKA-GANDA ng mensahe ngayon ayon kay Propeta Isaias, sapagkat maglalagay ang Panginoon ng bagong pinuno at ilalagay sa kanyang balikat ang susi ng tahanan ni David: “Aalisin kita sa tungkulin at patatalsikin sa iyong pwesto”.
Ang mga nangyari noon ay nagaganap din ngayon, mga kamalian, nakawan sa lipunan, sa pamahalaan at mga di kaayusan sa salapi ng ating bayan. Sana naman ay makinabang ang ating bansa sa katatapos na mga pangako. Sana po naman. Ang tangi nating pag-asa ay ang pag-ibig ng Diyos, sapagkat ayon sa Salmo, hindi ito kukupas. Ihahayag Niya sa atin ang katotohanan at mabubunyag ang mga gumagawa ng mabuti at masama.
Ganoon ang sagot ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Roma na ang karunungan at kaalaman ng Diyos ang nagbibigay ng pasya at nadidiskubre ang daan. Ibig sabihin ang lahat nang mga pangyayari noon ay malalantad sa tamang panahon.
Ang ebanghelyo ngayon ayon kay Mateo ay ang pagtatayo ni Hesus ng Kanyang Simbahan (Tagalog), Iglesia (Kastila), Ecclesia (Latin), Church (English) at iba pa. Maliwanag na itinayo ni Hesus ang kanyang simbahan kay Simon na tinagurian Niyang bato na sa salitang latin ay Pedro. Ito ang misyon na ibinigay ni Hesus kay Simon nang masagot ang katanungang: “Sino ako!” Sagot si Simon: “Ikaw po ang Kristo, ang anak ng Diyos na buhay”. Sa makalangit na sagot ni Simon ay itinalaga siya ni Hesus: “Ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan. Hindi makapapanaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan”.
Kaya naman ang Simbahan na itinayo ni Kristo ay ang relihiyon natin ngayon na Kristiyanismo sa pamumuno ni Pedro. Tayong lahat ay lubusang sumasampalataya na si Kristo ay Diyos na totoo at tao namang totoo. Maliwanag na ang Iglesia ni Kristo ay itinatag ni Hesus sa Cesarea Pilipos sa Israel. Kristiyanismo ang ating relihiyon at maraming sangay: Katoliko Romano, Greek Orthodox, Protestante, Philippine Independent Church (Aglipayan) at Anglican (England).
Isaias 22:19-23; Salmo137; Roman 11:33-36 at Mateo 16:13-20