Di-kaaya-ayang sitwasyon

SI Laura, 24, ay nag-overseas worker sa Italy. Habang nagtatrabaho roon, nagkaroon siya ng kasintahan at nagkaanak. Matapos ang kanyang kontrata bumalik siya sa Pilipinas. Bagama’t single mother at walang trabaho, napanatili pa rin niya ang kanyang kagandahan.

Habang walang trabaho, madalas siyang nasa bahay ni Flora, isang sales agent, at dito niya nakilala si Mang Cardo, 56, isang businessman. Si Mang Cardo ay may-ari ng isang rice mill at nasa construction business. Di nagtagal, nahulog ang kalooban ni Mang Cardo kay Laura at ganoon din naman si Laura sa kanya. Sinabi ni Mang Cardo na balo na siya at wala na siyang kasama dahil ang kanyang mga anak ay may kanya-kanya nang pamilya. Nguni’t ang katotohanan ay nakatira ang kaniyang anak at asawa sa isang lugar sa norte. 

Napadalas ang pagkikita nila Laura at Mang Cardo. Lalo silang naging malapit at ipinagtapat ni Laura ang kanyang nakaraan at inamin na siya ay isang single mother. Hindi ito naging balakid kay Mang Cardo kaya nagkaroon sila ng relasyon hanggang humantong sila sa isang motel. Ipinangako ni Mang Cardo na aalagaan niya si Laura at kanyang pakakasalan. Sa katunayan, nagbibigay pa siya ng pera kay Laura pang tustos sa kanyang anak sa ibang lalaki.

Hanggang nabuntis si Laura. Nagulat si Mang Cardo dahil ang alam niya ay di na siya pwedeng magkaanak dahil “impotent” siya. Sinabi na niya ang totoo kay Laura na buhay pa ang kanyang asawa, ngunit ipinangako niya na hindi ito pababayaan. Katunayan sa ika-apat na buwan ng pagbubuntis ni Laura, kumuha siya ng isang apartment para kay Laura at katulong para makasama nito. Siya rin ang gumagastos para sa kanila.  

Nasa ospital din si Mang Cardo nang manganak si Laura, inaliw at kinarinyo pa niya si Laura at sinabing ganito rin ang ginagawa nya sa kanyang asawa. Matapos isilang ang bata, si Laura ang nagsulat sa birth certificate nito habang lahat ng detalye ay ibinigay sa kanya ni Mang Cardo. Inuwi rin ni Mang Cardo si Laura at ang bata sa apartment at kinunan pa sila ng litrato kasama ang mga bisita at may-ari ng apartment.

Labing walong araw makatapos maipanganak ang bata, nagkasakit si Mang Cardo at naospital para magpa-check up. Ipinagtapat na ni Mang Cardo sa kanyang anak at asawa ang tungkol kay Laura at ang tulong na ibinibigay niya dito at sa bata. Nakipag-usap ang pamilya kay Laura at hiniling na ibigay nalang sa kanila ang pangangalaga ng bata. Hindi pumayag si Laura at pagkaraan ay hindi na nagpakita pa si Mang Cardo sa kanya at di na rin ito nagbigay ng suportang pinansyal.

Nagtangkang magpakamatay si Laura sa pamamagitan ng over dose sa droga dahil sa depresyon. Napilitan siyang magsampa ng kaso laban kay Mang Cardo para sa suporta at danyos nang walang mangyari sa imbestigasyong naganap sa presinto tungkol sa tangka niyang pagpapakamatay. Nagkaroon ng pag-uusap nguni’t ang asawa lamang ni Mang Cardo ang dumalo kung saan nakatanggap si Laura ng masasakit na salita mula dito.

Sa kanyang sagot, ikinaila ni Mang Cardo na siya ang ama ng bata. Sinabi rin niya na nakikipagrelasyon si Laura sa iba’t-ibang lalaki. Sa katunayan, may anak na nga siya sa ibang lalaki bago pa sila nagkakilala. Tinutulungan daw lamang niya si Laura at ang anak nito dahil sa pagmamaka-awa nito sa kanya.

Sa pagdinig ng kaso, tumestigo si Laura at ang may-ari ng apartment na si Mang Cardo nga ang ama ng bata. Ipinakita pa ni Laura ang Birth at Baptismal certificate ng bata at doon nakasulat na si Mang Cardo ang ama bagama’t wala itong pirma niya. Ipinakita rin ni Laura ang mga larawan at mga sulat sa kanya ni Mang Cardo ngunit di nabanggit dito ang tungkol sa pagiging ama niya sa anak ni Laura.

Kinampihan ng mababang korte si Laura at inutos na magbigay si Cardo ng P2,000.00 kada buwan na suporta sa bata at P20,000.00 bilang bayad sa mga nagastos pagsampa ng kaso. Ito’y pinagtibay din ng Court of Appeals. Noong ito’y inapela sa Korte Suprema, namatay na si Mang Cardo. Nguni’t ang desisyong ito ay di kinatigan ng Korte Suprema dahil ang mga ebidensyang isinumite at prinisenta tulad ng birth at baptismal certificate ay di sapat upang patunayan na si Mang Cardo nga ang ama ng bata lalo na’t wala itong pirma niya. Sinabi rin ng Korte na di sapat na ebidensiya ang mga larawan at ang mga bills na binayaran ni Cardo sa ospital dahil na rin sa kanyang awa at tulong para kay Laura at sa anak nito.

 

Ang hinihiling na pagkilala at pagbigay suporta sa isang bata ay maaring magdulot ng di magandang sitwasyon sa parehong partido. Kinakailangang matibay ang ebidensyang ibinibigay sa mga ganitong kaso. Sa panahon natin ngayon, mayroon ng DNA evidence na madaling magpapatunay kung sino ang tunay na magulang ng isang batang ipinanganak (Salas vs. Matusalem, G.R. No. 180284, Sept. 11, 2013).

Show comments