HIGIT 700 OFWs mula Libya ang nakabalik na sa bansa. Nag-arkila ang gobyerno nang mala-king barko at sinundo ang mga OFW at dinala sa Malta, at doon sumakay ng eroplano pabalik ng Pilipinas. Kasalukuyang nagkakagulo sa Libya at nalalagay lamang sa peligro ang mga OFW. Inarkila ang barko ng P80 milyon. Sa mada-ling salita, ginawa ng gobyerno ang lahat para matulungang makaalis ng Libya ang mga OFW.
Pero nalaman na may isang hindi sumakay ng eroplano, at ang hinala ay nagpasyang manatili na lamang kaysa bumalik ng Pilipinas. Dahil sa isang taong ito, tila napasama pa ang mga OFW pati na rin ang bansa. Nagpadala na ng paumanhin ang DFA sa gobyerno ng Malta sa insidenteng ito, at nangakong iimbestigahan at aalamin kung nasaan si Rodrigo Andres at kung ano talaga ang kanyang ginawa.
Kung wala pala siyang planong bumalik pa ng Pilipinas, sana ay hindi na siya sumama sa barko. Magtataka tayo kung bakit ang turing sa mga Pilipino ay mga TNT o takbo nang takbo kapag napapalapag sa ibang bansa. Pero dahil nga sa mga insidenteng ganito lalong napapatibay ang imaheng iyan. Maraming Pilipino ang nagdesisyon na manatili na lang sa Libya, kahit may napugutang lalaki at ginahasang babae. Mas nakakasilaw pa rin ang pera kaysa sa peligro. Desisyon nila iyon kaya ni hindi na sumama sa barko. Sana ganito na lang ang ginawa ng OFW na nawala na lamang sa Malta.
Ito ay isang kaugaliang Pilipino na kailangan ding baguhin. Kapag may peligro, hindi rin nagkukulang ang mga awtoridad sa pagbigay ng babala at abiso na lumikas na, o kaya’y umalis na sa mga lugar na delikado tuwing may bagyo, may puputok na bulkan o ano pang kalamidad, o sa kaso ng Libya, digmaan. Pero marami ring pasaway. Ang nagiging problema naman ay kapag naganap na ang kalamidad o digmaan, dito naman hiningi ng tulong, kung kailan mas mahirap nang kumilos lahat. Kapag may naglabas ng babala o nagbigay ng abiso, sana naman ay pakinggan at sundan. Maaaring mas maganda ang pasahod sa ibang bansa, pero kung buhay o kaligtasan naman ang kapalit, sulit ba iyon? Ano pa ang silbi ng pera kapag hawak ka na ng mga rebelde at papatayin o gagahasain ka na?