Magandang araw po Doc Willie! Ako po’y may idudulog sa inyong problema. Naka-gamit po ako ng bayarang babae, makalipas ng 5 araw, may napansin po ako na mga “greenspots” sa aking brief, at medyo sumakit ang aking pag-ihi na parang lagi akong may balisawsaw. Nagka-tulo po yata ako. Doc Willie, may nagpayo sa akin na uminom ng “ciprofloxacin”. Uminom po ako nito, kumonti ang mga spots ko pero hindi nawala. Ngayon dumami ulit ang tulo ko.
Ako nga po pala’y may asawa at 2 anak. Pinagsisisihan ko na ang aking mga ginawa. Sana po’y matulungan nyo ako. God Bless! – Anonymous
Dear Anonymous,
Salamat sa liham mo. Sa kuwento mo ay mukhang nagkaroon ka ng Gonorrhea o tulo, isang Sexually-transmitted disease.
Ang Gonorrhea ay dahil sa bacteria na Neisseria gonorrhea. Naninirahan ito sa vagina, cervix (kuwelyo ng matres), matres at fallopian tubes ng babae. Nasa daanan ng ihi (urethra) naman ito ng kalalakihan. Puwedeng lumipat ang gonorrhea sa bibig, lalamunan, mata at puwit ng tao! Grabe ang kamandag ng sakit na ito.
Makukuha and Gonorrhea sa pagtatalik. Kapag hindi ito ginamot, puwede ito magdulot ng pagkabaog (sterility), at puwede rin kumalat sa dugo at kasu-kasuan (joints). May namamatay dito.
Tama lahat ang mga sintomas na ikinuwento mo tungkol sa tulo. May maputi, madilaw o maberdeng likido na tumutulo sa ari o vagina. Masakit ang pag-ihi na parang binabalisawsaw.
Heto ang mga gamot na ibinibigay ng doktor. Tandaan: Magpakonsulta muna sa isang Urologist o OB-gynecologist para matiyak ang sakit. Huwag basta-bastang iinom ng gamot.
1. Ciprofloxacin 500 mg tablet, 2 beses sa isang araw. Puwedeng uminom ng 3 araw. Bawal ito inumin ng edad 18 pababa. (Dahil matitindi na ang mga klase ng Gonorrhea ngayon, minsan ay hindi na ito epektibo.)
2. Sa mga seryosong kaso, tinuturukan ng Ceftriaxone 125 o 250 mg injections sa loob ng masel (intramuscular).
3. May pagkakataon na hindi lang Gonorrhea ang sakit ng pasyente. May kahalo pa itong Chlamydia, isa pang sexually-transmitted disease. Ang gamot sa Chlamydia ay Doxycycline 100 mg tablet, 2 beses sa isang araw. Inumin ng 7 araw.
Paano makaiiwas sa sexually-transmitted disease?
1. Huwag makipagtalik sa ibang babae (o lalaki).
2. Gumamit ng condom para mabawasan ang tsansang mahawa.
At sana naman ay matuto na ng leksyon at maging matapat kay Misis. Kawawa naman si Misis at baka mahawa pa siya sa sexually-transmitted disease. Ang pagsisisi ay laging nasa huli. God bless din.