NANG nabubuhay pa ang aking Lola, magmula pa sa pagkadalaga niya ay masugid na siyang bumibili ng sweepstakes ticket kahit noong diyes sentimos lang ang halaga nito. Namatay siya sa gulang na mahigit 90-anyos noong dekada 60.
Kahit hindi siya nanalo ng grand prize ay masaya siya. Ang pinakamalaking panalo niya noon ay P1-libo pero malaking bagay na ito noon. Sabi niya noong nabubuhay pa, ang mahalaga ay nakatulong ang pera niya sa mga mahihirap na nangangailangan. Charity kasi ang pinatutunguhan ng pera ng mga tumatangkilik sa mga number games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Hangga ngayon, kapag may mga mahihirap na kailangan ng tulong, kinakalampag natin ang PCSO lagi na hindi naman nagkakait ng ayuda. Ngayon ay hindi lang Sweepstakes kundi mayroon nang “Bingo Milyonaryo” ang PCSO na patuloy na nakapagpapasok ng malaking pondong pangkawanggawa. Ani Roberto Suarez, Gen. Manager ng COMNET Management Corp. sapul nang magsimula ang Bingo Milyonaryo noong isang taon, nasa 3,000 ang mga nanalo na naghati-hati sa P20 milyong cash prizes at dalawang jackpot na nagkakahalaga ng Php300,000.00.
Dahil sa kanilang pinasiglang marketing initiatives, inaasahang madodoble ang kanilang sales mula P 30 milyon (as of June 2014) sa P60 milyon sa katapusan ng buwan na ito. Ang inaasahang pagtaas sa kita ng Bingo Milyonaryo ay dahil sa aktibong operasyon ng mga dealers sa Zamboanga del Sur, Negros Occidental, Davao del Norte, Rizal, Laguna, Bulacan at Metro-Manila.
Modernong teknolohiya ang gamit ng larong ito tulad ng telecommunications network at active mobile applications. Ang publikong sumasali ay makakakuha ng real time gaming results, transparency at audit trails, kaya makasisigurong walang daya.
“LottoCell, the Bingo Milyonaryo totalizator platform is an idea which time has come” ani Suarez.
Tulad ng ibang nagsisimulang proyekto, maraming dinaranas na hirap ang Bingo Milyonaryo. Pero sa kabila nito, tinitiyak ni Suarez na ito’y makapagbubuhos ng karagdagang pondo sa kaban ng PCSO na ang mandato ay tulungan ang mga mahihirap kagaya ng sa pangangailangan sa pagpapagamot.