MAGKASALUNGAT ang sinasabi ng mga tagapagsalita ni President Noynoy Aquino. Sabi ni Presidential spokeperson Edwin Lacierda, pabor daw si P-Noy sa pag-amyenda sa Constitution at sa second term pero ang sabi naman ni Presidential Communications Operations Office secretary Herminio Coloma Jr., hindi raw sumasagi sa isipan ng presidente ang mga ito. Sabi pa ni Coloma, sa kanyang mga “boss” daw makikinig si P-Noy.
Dahil sa magkataliwas na mga sinasabi ng dalawang Cabinet officials, marami tuloy ang naghihinalang nagbibiro lamang ang Presidente sa kanyang mga sinasabi. Hindi raw talaga totoo na pabor si P-Noy sa Charter change at hindi rin totoo na balak nitong tumakbo sa ikalawang pagkakataon sa 2016. Dyok-dyok lang daw ang lahat at hindi dapat seryosohin.
Kung nagbibiro lamang ang Presidente ukol sa Cha-cha at pagtakbo sa ikalawang termino, hindi ito magandang biro. Nagkakaroon ng mga agam-agam na maaaring magpalawig nga ito ng termino at ikinokondisyon ang isipan ng mamamayan. Hindi maganda kung palalawigin ang kanyang termino lalo pa’t ang kanyang ina na si dating President Cory Aquino ay mahigpit ang pagtutol noon sa mga nagnanais baguhin ang Konstitusyon para mapahaba ang panunungkulan. Nakipag-rally noon si Cory para tutulan ang balak nina dating President Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal Arroyo na amyendahan ang Konstitusyon. Hindi naisagawa ang balak sa Cha-cha.
Huwag nang hangarin pang amyendahan ang Konstitusyon para mapalawig ang termino sapagkat hindi rin naman ito papayagan ng mamamayan. Napatunayan na sa maraming pagkakataon na ayaw ng mamamayan na ma-extend ang termino ng Presidente sapagkat maaaring maging dahilan ito para hangarin na huwag nang umalis sa kapangyarihan. Habang nagtatagal sa puwesto, mas nagiging gahaman. Hindi kailanman tatanggapin ng mamamayan ang pinunong gustong manatili sa puwesto.
Dapat pakinggan ang tunay na tinig ng mamamayan at hindi ng mga kapartido na may sariling agenda. Mas maganda kung itutuon ang panahon sa pagpapaunlad ng buhay ng mamamayan sa natitira pang panahon.