HINDI na natapos ang gulo sa Iraq. Akala ng mundo magkakaroon na ng katahimikan mula nang mawala si Saddam Hussein. Pero dahil sa pagkakaiba ng etniko at paniniwala, patuloy ang problema at pasama nang pasama.
Ayaw talaga mawala sa kapangyarihan ang mga grupong militar na dating tapat kay Saddam. At dahil nakaipon na naman sila ng mga tauhan at armas, sinimulan muli nila ang pagpatay sa mga hindi nila kapareho ang paniniwala. Noong nasa kapangyarihan pa si Saddam, mga Sunnis ang nasa kapangyarihan. Nang mawala si Saddam, mga Shiite naman ang nasa kapangyarihan, na ikinagalit ng mga Sunni. Ang naiipit sa gitna ay ang Kurds sa hilagang bahagi ng Iraq, na target ng mga armadong Sunni. Libo na ang namamatay at milyon na ang lumikas para maiwasan ang labanan.
Rumeresponde muli ang mga Amerikano, pati ang ilang bansa sa European Union sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tulong na pagkain, tubig, gamot pati armas sa mga lumalaban sa mga militante. Walang pinadadalang sundalo at may sariling gobyerno na ang Iraq, na ang sabi ng mga kritiko ay hindi naging maayos magmula nang umalis ang mga Amerikano. Gaano katagal ang gulong ito at kung magtatagumpay ang gobyerno ng Iraq ay hindi pa matiyak, lalo na’t walang planong magpadala ng mga sundalo ang anumang bansa. Hindi ko lang alam kung lumala pa ang sitwasyon. Baka bumalik muli ang mga bansang lumusob noon, para masugpo ang insureksyong nagaganap.
Mabuti na lang at hindi ganyan sa Pilipinas. Isipin na lang kung nagkakapatayan dahil lamang sa iba ang pinanggalingang probinsiya o rehiyon. Mga Ilocano kaaway ang mga Bisaya o Bicolano. O mga taga-Mindanao. O kaya’y nagpapatayan dahil lamang sa pagkakaiba ng relihiyong Kristiyano, tulad ng mga Katoliko at Protestante?