SA ganang akin maaaring sa paglipas ng mga panahon ay posibleng hindi na epektibo ang Konstitusyon dahil sa nagbabagong pangangailangan ng mamamayan.
Sa situwasyon ganito, pabor ako sa charter change sa kondisyong hindi ito para sa kapakinabangan ng nakaupong lider ng bansa na pinag-umpisahan ng pag-amyenda. Kung magkakaroon man ng pagpapalawig sa termino, ito ay dapat para sa susunod na magiging Pangulo. Ito ay dapat ding gawin lamang ng mga deputado sa constitutional convention na inihalal ng mamamayan. Con-Con, hindi Con-Ass.
Halimbawa, no-no sa akin kung dahil lamang sa hangad ng isang nakaupong Presidente na makahirit ng panibagong termino, ipapanukala niya o ng mga alipores niya sa Kongreso ang pagbabago sa Konstitusyon. Self-serving masyado iyan at halatang-halata ang buktot na motibo.
Sa bisa ng Konstitusyon natin, isang limang taong termino lamang puwedeng manungkulan ang Pangulo. No reelection. Noong araw, itinatadhana ng lumang Saliganbatas ang apat na taong termino na may re-eleksyon hanggang sa baguhin ito ni yumaong Presidente Marcos sa kanyang pagdedeklara ng martial law noong 1972. Matatapos na palibhasa ang kanyang ikalawang termino at hindi na siya ubrang kumandidato muli.
Ang bagay na iyan ang madalas tuligsain ni yumaong Sen. Benigno Aquino sa kanyang mga talumpati nang siya ay nasa self-exile sa Amerika. Aniya, dahil sa pagkagahaman ng Pangulo sa kapangyarihan ay gumawa ito ng marahas na paraan para manatili sa puwesto.
Kaya nang mapatalsik sa poder si Marcos at naupo si Cory Aquino, nagkaroon ng freedom constitution para sa kanyang transition government. Ito ay agad sinundan ng isang constitutional convention at isinilang ang bagong Saliganbatas. Ginawa na lamang limang taon ang termino ng Presidente na walang reeleksyon. Malinaw na ayaw nina Ninoy at Cory (ang mga pinagpipitaganang magulang ng ating Presidente Noynoy) ang mahabang termino ng isang Presidente dahil ito’y magbubulid sa kanya sa tukso na maging gahaman sa kapangyarihan at umabuso. Mabuti’t nahimasmasan ang Presidente at tila nagbago na naman ang hihip ng hangin dahil itinatanggi ng Malacañang na may sinabi ang Presidente na gusto niyang palawigin ang kanyang termino.