HABANG marami ang nagugutom at iniisip kung saan kukunin ang ilalaman sa tiyan, marami namang Pilipino ang sinasayang ang kanin. Mag-observe sa mga kumakain sa fastfoods restaurants, marami sa kanila ang hindi nauubos ang inorder na kanin. Oorder ng dalawang cups pero isang cup lang pala ang kayang ubusin. At iyon ay matatapon lamang sa basurahan kasama ang iba pang pagkain na halos hindi nabawasan. Ang kanin kapag naihalo na sa iba pang pagkain ay hindi na maaring kainin. Mga baboy na lamang ang makikinabang dito.
Mas lalong maraming nasasayang na kanin sa mga restaurant na nagsi-serve ng libreng kanin o unlimited rice. Walang patumangga kung magpasalin ng kanin pero hindi naman pala uubusin. Sa kasalukuyan, maraming restaurants ang may gimik na “unlirice”.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, bawat Pilipino ay nag-aaksaya ng dalawang kutsarang kanin kapag kumain. Kapag pinagsama-sama ang mga naaaksayang kanin aabot iyon sa halagang P6.2 billion sa loob ng isang taon. Nangyari na raw ito noog 2010 kung saan ang nasayang na kanin ay maaaring makapagpakain ng 2.6 milyong Pinoy. Napakarami raw naaaksayang kanin kaya nagkaroon ng kampanya noon na huwag maging bulagsak sa kanin. Ang pag-aaksaya ay isang dahilan kung bakit hanggang ngayon, patuloy sa pag-angkat ng bigas ang bansa. Hindi makasapat ang ani sa bansa para mapakain ang mamamayan. Kung hindi mawawala ang pagbubulagsak, magkakaroon ng kakapusan at marami ang apektado.
Kapuri-puri naman ang ipinasang batas sa Maynila kung saan, magsisilbi na ng kalahating cup ng kanin ang restaurants, fastfood chains, canteens at iba pang establishments na may kaugnayan sa pagkain. Maari nang makapamili ang customer sa tamang dami ng kanin. Ang hindi susunod sa batas ay pagmumultahin. Ipinasa na rin ang half-rice bill sa Quezon City. Dapat sumunod na rin ang iba pang city para wala nang nasasayang na kanin. Dapat maituro at maimulat sa lahat, lalo sa mga kabataan na huwag aksayahin ang kanin.