Hulidap 2

PANTAWAG-pansin ito sa NCRPO. Chief Carmelo Valmoria, saklolo po! Planong sampahan ng kaso sa Ombudsman ng kumpare kong si retired Capt. Tony Cruz ang hepe ng Intelligence Division ng Northern Police District na si Police Supt. Cesar Gerente dahil sa paghaharap ng aniya’y “imbento at mapanirang report”.

Ito’y matapos kampihan ni Gerente ang tatlo niyang tauhan na ayon kay Cruz ay humulidap sa kanyang apong si  Antonio Avel Paminttan o Chukoy noong gabi ng Hulyo 29. Inakusahan si Chukoy nang pagbebenta ng isang carnap na motorsiklo sa isang poseur buyer na si PO2 Eduardo Ramos. Kasama rin sa mga pulis na umano’y nanghulidap ang dalawa pang PO2 na sina Elmer Miguel at Gerry Maliban.

Iginigiit ni Chukoy na bago niya nabili ang motorsiklo, binerepika muna ito sa LTO at napatunayang malinis ang mga dokumento.

Pero iginigiit din ng tatlong pulis na legitimate ang kani-    lang operasyon at itinangging tumanggap sila ng halagang  P20-libo para mapalaya si Chukoy. Pero hawak ko ang audio recording ng transaksyon para pakawalan si Chukoy at narinig ko ang isa sa mga pulis na nagsabing “tutuluyan o tutulungan?”

Kumpare ko itong si Tony sa loob ng maraming taon hanggang sa makapagretiro at dapuan ng diabetes na nakapagpalabo na sa kanyang mga mata sa edad na 66. Subalit nang mamagitan si Tony alang-alang sa apo niya, parang inaaku-sahan pa siya ni Supt. Gerente na protector ng carnapper.

Galit na galit ang kumpare ko dahil sa buong career niya ay nakilala siya sa katapatan sa tungkulin. Madalas siyang mapanood sa telebisyon na nangunguna sa mga raid sa mga illegal na pasugalan.  Patrolman pa lang si Tony noong panahon ni Marcos ay magkakilala na kami. Boluntaryong  reporter sa aking programa sa radyo noon at kung saan-saang lupalop kami nakararating sa paghahatid sa mga batang ligaw sa kanila-kanilang mga tahanan.

Si Presidente Cory Aquino pa ang nag-endorso ng kanyang promosyon noon dahil pinahanga niya ang Pangulo sa pagsisilbi niyang mentor sa mga kasapi ng Manila Jr. Police.

Itutuloy ko ang paksang ito sa susunod na kolum sa Sabado pero uulitin ko ang aking babala sa sino mang bumibili o nagbebenta, lalu na ng mga sasakyan sa internet. Sari-sari nang panloloko ang nangyayari dahil sa mga on-line transaction at ang mga ganitong pangyayari’y magsilbi nawang  leksyon para mag-ingat tayo.

Show comments