MAGANDA ang gising ng bayan itong Martes ng umaga. Nahuli na ang kinikilalang “berdugo” na si dating Maj. Gen. Jovito Palparan matapos ang halos tatlong taong paghahanap sa kanya. Si Palparan ay akusado sa pagdakip at serious illegal detention kina Karen Empeño at Sherlyn Kadapan, dalawang estudyante ng UP. Tatlong sundalo ang akusado rin sa kaso. Hanggang ngayon ay hindi pa mahanap ang dalawang estudyante. Ayokong isipin ang sinapit ng dalawang babae sa kamay ng mga sundalo sa ilalim ng pamumuno ni Palparan. Nagtangkang tumakas si Palparan matapos magpahayag na haharapin ang lahat ng kaso laban sa kanya. Sinubukang umalis noong 2011 mula sa Clark International Airport pero napigilan siya. Mula noon ay nagtago na. Matapang magsalita, pero takot rin pala. Ganun nga talaga kapag wala ka nang kontrol sa mga sundalo.
Si Palparan ay pinuri ni dating President Arroyo para sa kanyang paglaban sa mga rebelde at kalaban ng bansa. Pero kilala siyang malupit, kaya nga nabansagang berdugo. Hindi natin alam kung may kinalaman rin siya sa pagkawala ng ilan pang mga aktibistang estudyante at mamamayan. Maaaring marami pa. Ngayong nahuli na siya, ang tanong ng bayan ay kung matutuloy na ang kaso laban sa kanya, at kung mahahanap pa ang dalawang babae. Dalawa sa tatlong sundalong akusado ay hawak na rin ng mga otoridad, pero hindi pa mahanap ang isa.
Ang pagkawala ng ilang mga aktibista ay masalimuot na isyu sa kahit anong administrasyon. Matindi ito noong panahon ni Arroyo. Nasa 194 ang “nawala” sa ilalim ng kanyang administrasyon. Inasahan na sa ilalim ni President Aquino, malulutas na ang pagkawala ng ilang mga tao tulad ni Jonas Burgos. Pero hanggang ngayon ay wala ring balita kay Burgos. Labimpito naman ang “nawala” sa ilalim ng administrasyong Aquino. Ganito ba kalakas ang ilang militar pagdating sa pagtago ng mga sekreto, katulad ni Palparan? Walang magawa ang mamamayan kundi asahan ang sistema para mabigyan ng hustisya ang lahat ng desaparecidos na tila nagpapatuloy kahit sino pa ang nakaupong pangulo. Sana magsimula na sa paghuli kay Palparan. Ilan pa ang pinaghahanap ng gobyerno tulad ng magkapatid na Reyes at si Ruben Ecleo. Sana mahanap na rin sila.