NANINIWALA ang BITAG Live na isa sa mga mag-aangat sa ekonomiya ng bansa ang sektor ng Turismo.
Makikita ito pagbaba palang sa mga paliparan hanggang lansangan patungo sa mga destinasyon ng isang dayuhan.
Kung nakikita ng mga turistang maayos ang mga imprastruktura at ramdam ang serbisyong de-kalidad at internasyunal ang pamantayan sa mga establishimentong kanilang pinupuntahan, walang duda na hindi sila babalik at muling bumisita.
Ang masaklap na katotohanan, napag-iiwanan at hindi nabibigyan ng atensyon ang turismo ng bansa.
Hindi ito nakakasabay sa papaganda at papaunlad na ekonomiya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit natetengga at kilos-pagong ang pag-unlad ng turismo ang kawalang sistema ng pamahalaan sa pagbibigay ng mga insentibo.
Masyadong mahigpit ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) sa tax incentives at tax break holidays sa mga dayuhang imbestor na gustong mamuhunan sa Pilipinas.
Sa mandato ng Tourism Act of 2009 o RA 9593, nakasaad na dapat mag-isyu ang BIR ng Revenue Regulations pero hanggang ngayon wala pa rin silang inilalabas na direktiba.
Sa halip na gumawa ng Revenue Regulations na aplikable sa Tourism Enterprise Zone (TEZ) Operators and Registered Tourism Enterprises (RTEs), naghain ang BIR ng mga pagbabago sa Tourism Act.
Ilan sa mga gustong baguhin ng ahensya ang pagbibigay ng limitasyon ng insentibo sa mga hotelier at ang pagkakaroon ng geographical limit. Hindi na bibigyan ng insentibo ang mga magtatayo ng hotel sa Metro Manila, Cebu, Davao, Palawan at Boracay.
Maliban dito, pinabubura rin ng BIR ang ilang mga nakasaad sa RA 9593. Isa rito ang paggawad ng insentibo sa mga existing establishment o mga nakatayo ng establishimento na gustong magpalawak pa at mag-upgrade ng kanilang pasilidades.
Nitong mga nakaraang araw lang, nagpahayag ng pagkadismaya ang European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) sa mga polisiya ng pamahalaan hinggil sa pamumuhunan ng mga dayuhang imbestor.
Kahit na gaano pa kasigasig sa pag-iimbita ng mga mamumuhunan sa Pilipinas si Tourism Secretary Ramon Jimenez kung sumasalungat naman dito ang ilang mga gabinete, hindi aangat ang sektor ng Turismo.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.