Bro. Eddie na-PCOS nu’ng Halalang 2013
MADALAS maghamon si Comelec chairman Sixto Brillantes tungkol sa kanyang kaduda-dudang precinct count optical scanners: “Kung makapagpakita kayo ng isa man lang ehemplo ng pandaraya ng PCOS, magre-resign ako.”
Puwes, mag-empake ka na ng gamit, Sixto, dahil may napatunayan kamakailan ng di lang isa kundi tatlong lokohang PCOS.
Ito’y sa mga boto ni sikat na Christian leader Bro. Eddie Villanueva sa Barangay Concepcion clustered precincts (CP) 19, at Barangay Pias CP 29 at 30, bayan ng Gen. Tinio, lalawigan ng Nueva Ecija.
Nagpa-manual recount sa korte ang 674 na taga-barangay dahil hindi sila makapaniwalang No. 19 lang si Bro. Eddie sa pook nila sa senatorial race nu’ng Halalan 2013, gay’ung ikinampanya siya nang lubos ng walang katunggaling mayor. Nais nila malaman kung na-PCOS (nadaya) siya.
Lumabas sa PCOS canvass na 379 ang boto ni Bro. Eddie sa Brgy. Concepcion CP 19, at 379 din sa Brgy. Pias CP 29 at 30.
Nang buksan ang ballot boxes, iba naman ang nakasaad sa PCOS tally sheets kaysa PCOS canvass forms: 278 ang boto ni Bro. Eddie sa Brgy. Concepcion CP 19, tapos 284 sa Brgy. Pias CP 29, at 219 sa CP 30.
Malayo naman ang resulta ng manual recount ng korte. Sa Brgy. Concepcion CP 19 ang boto ni Bro. Eddie ay 379, mas marami nang 101 kaysa PCOS tally. Sa Brgy. Pias CP 29 ay 295, mas marami nang 11. Sa CP 30 ay 226, mas marami nang pito.
Ang total na boto ni Bro. Eddie sa manual recount sa tatlong CPs ay 900 -- pinaka-marami sa lahat ng senatorial bets -- at hindi lang 781 sa PCOS tally. Saan-saan pa kaya dinaya ang tanyag na Born-Again leader?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest