Sunud-sunod na problema
HINDI na nawala ang mga problema ng NAIA Terminal 1. Bukod sa mainit, walang aircon, masikip at walang maayos na palikuran, pumutok na poso ay may peligro na rin dahil sa mga empleyadong pabaya. Nakagat ang isang pasaherong patungong China nang makawala ang aso na alaga ng isang empleyado. Nagsimula ang kalbaryo ni Henry Prile nang walang mahanap na bukas na palikuran. Dahil hindi na makayanang pigilin ang pag-ihi, nagtangkang umihi na lang sa pader malapit sa isang saradong palikuran. Nakita ng isang taga-NAIA at sinabing may banyo sa malayong lugar. Pero hindi na raw kaya ng pasahero, kaya dinala siya sa opisina ng Intelligence and Investigation Division. Buti pa mga empleyado may mga maaayos na banyo ano?
Pero dala naman ni Airport Police Maj. Melchor de los Santos ang kanyang alagang aso na nakatali sa loob ng opisina. Hindi ito bomb-sniffing na aso kundi personal na alaga ng pulis na ayon sa kanya ay dinala dahil wala raw mag-aalaga sa bahay. Kaya sa kamalasan ni Prile, kinagat siya sa hita. Ang masama pa ay pinagalitan pa yata si Prile dahil nasa loob ng opisina kung saan bawal ang pasahero. Eh sino ba ang nagdala sa kanya doon? Hindi naman makakapasok doon kung hindi siya dinala, hindi ba? Bakit ang banyo nila maayos pero sa mga pasahero, sira lahat? At ano ang ginagawa ng isang personal na alagang aso na hindi naman bomb-sniffing dog? Paano pala kung magka-rabies ang pasahero eh balita ko nasa China na? Siguro naman mas dapat pagalitan ang nagdala ng aso kaysa sa matandang pasahero na kailangan nang umihi. Malaki ang pananagutan ni De los Santos. Kung bakit naisip dalhin ang kanyang alaga ay tiyak dahil sa kanyang ranggo at posisyon sa NAIA. Kung ordinaryong empleyado makadala kaya siya ng aso sa trabaho? Kahit maliit na alagang isda siguro hindi siya papayagang dalhin sa trabaho!
Fully operational na raw ang NAIA Terminal 3, at inilipat na ang Delta Airlines doon mula Terminal 1. Apat na kompanya pa ang susunod na lilipat sa Terminal 3 mula Terminal 1. Hindi ako magtataka kung maraming pasahero ang pipili ng kumpanyang ito dahil lamang nasa Terminal 3. May mga maayos na palikuran ang Terminal 3, maayos na kainan, hindi siksikan at malinis. Hindi na talaga biro ang dumaan sa Terminal 1. Sunod-sunod ang mga problema na pasama nang pasama naman sa imahe ng bansa.
- Latest