MATAMLAY at lamig ang pagtrato ng kasalukuyang administrasyon sa Business Processing Outsourcing (BPO) o sektor ng call center.
Pumapangalawa sa overseas Filipino workers (OFW), bilyones din ang kontribusyon ng BPO sa bansa kaya lumulutang ang ekonomiya ng Pilipinas.
Panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nabibigyan ng atensyon ang industriyang ito.
Subalit sa kasalukuyang administrasyon, hindi ito nabibigyan ng pansin. Hindi rin ito nabanggit sa State of the Nation Address ni Pangulong Noy Aquino bilang pagbibigay-pugay man lang sana sa mga kabataang bayani.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng BITAG Live kaya lamig ang administrasyon sa sektor ng BPO ay dahil hindi ubra dito ang patronage politics.
Tumatayo itong independente at hindi kayang haluan ng anumang uring pamumulitika.
Walang mga “patron” o senador, kongresman, mayor, konsehal at kung sino-sino pang mga kenkoy na pulitiko na maaaring mag-impluwensya sa mga call center company.
Hindi rin sila maaaring mangako ng trabaho sa mga aspiring call center agent dahil bukod sa mayroong sariling pamantayan at merito sa pagtanggap ng mga empleyado ang mga multinational firm, sila ay mga edukado at may sariling pananaw at desisyon.
Kaya nga ang ilan sa mga kumag na pulitiko na gustong umentra at umeksena para lang mapansin at kahit papaano “makapag-iwan ng tatak sa isipan,” pilit nagsasagawa at naglulunsad ng mga seminar, job fair at free training.
Ang punto ko dito, bagamat kumikita din ang mga call center representative, bilang pasasalamat man lang ng gobyerno sa kanilang kontribusyon, dapat pina-prayoridad at sinusuportahan sila ng pamahalaan.
Dahil bukod sa mga banta sa kanilang kalusugan, sila rin ang kadalasang mga nabibiktima ng masasamang loob sa lansangan. Habang ang mga alagad ng batas na sana ay nagroronda at nagbabantay, patulog-tulog lang sa pansitan.
Sumasaludo ang BITAG Live sa mga kabataang bayani na nagpapapasok ng dolyares sa kaban ng bayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.