LUPA ang madalas na nagiging sanhi ng alitan sa pagitan ng magkakapatid. Ngunit sa kasong ito, ang lupang pinag-aawayan ng magkakapatid ay lupang di naman pag-aari ng kanilang ama.
Ang ama sa kasong ito ay si Mang Pedro na may isang anak na babae, si Dina at apat na anak na lalaki na sina Bert, Tito, Alex at Max. Si Mang Pedro ay nagsasaka ng dalawang hektaryang lupa na pag-aari ni Don Pablo bilang kasama. Inatasan ni Don Pablo ang anak niyang si Randy bilang Attorney-in-Fact at binigyan ng karapatan bilang may-ari ng lupa. Kaya si Randy ang tumatanggap ng 40 kaban ng palay bilang kabayarang upa sa lupa mula sa katiwala nilang si Diego.
Nang mamatay si Mang Pedro, si Dina ang nagpatuloy ng pag-upa sa lupa. Mas ninais ni Randy na si Dina ang magpatuloy bilang kasama kaysa sa mga kapatid nito. Ngunit ng taong iyon, hindi makapagtanim si Dina sa isang hektarya ng lupa dahil ito’y inokupa at tinaniman ng kanyang mga kapatid.
Nagsampa ng kaso si Dina laban sa kanyang mga kapatid upang makuha muli ang posesyon ng lupa. Lumaban ang magkakapatid at sinabing sa kanila ibinigay ng kanyang ama ang karapatang magpatuloy sa pagsasaka ng lupa bilang kasama. Sinabi pa nila na pinahintulutan sila ni Diego, ang katiwala ng lupa, na magpatuloy okupahin at magsaka dito. Bilang patunay, ang 20 kaban ng palay ay ibinabayad nila kay Diego. Kaya anila, sila ang may karapatang patuloy na umokupa at magsaka sa lupa at di na dapat binigyan ng karapatan si Dina. Tama ba ang magkakapatid?
Mali. Ang batas sa ilalim ng Civil Code tungkol sa mga manang lupa ay di dapat ginagamit sa kasong ito. Ang lupang naiwan ng namatay na kamag-anak ay maaring hatiin sa mga tagapagmana niya. Ngunit sa kasong ito, ang lupang pinag-uusapan ay pang-agrikultura. Ang kabuuang panahon ng pag-okupa at pagrenta sa lupa na naiwan ng ama nina Dina ay ipagpapatuloy ng mapipili ng may-ari sa mga taga-pagmana ni Mang Pedro. Hindi ang magkakapatid ang mag-dedesisyon kung sino sa kanila ang magpapatuloy ng pagrenta at pagsaka nito maliban na lang kung ang karapatang ito ay hindi ginamit ng may-ari o kaya pinabayaan na lang niyang pumili yung mga anak kung sino ang magpapatuloy nito.
Sa kasong ito, ginamit ni Don Pablo sa pamamagitan ni Randy ang kanyang karapatan upang pumili at ibigay ang kontratang ipagpatuloy ang pagsaka. Si Dina nga ang inatasan nila upang pumalit sa kanyang ama. Wala ring awtoridad at karapatang igawad ni Diego ang kontrata sa mga kapatid ni Dina, at di rin dapat siya tumatanggap ng bayad mula sa mga ito. Ang kontrata sa pagitan ni Randy at Dina ang masusunod dito (Reyes vs. Reyes, et. al. G.R. No. 140164, Sept. 6, 2002).