700 days

NOONG Lunes ay inireport ng Pangulo ang kanyang pangalawa sa huling State of the Nation Address (SONA). Ang SONA ay parehong backward at forward looking. Ito’y okasyon upang ipagmalaki ng Pangulo ang mga accomplishment ng kanyang administrasyon sa taong nakalipas. At siyempre, pagkakataon ding ipaliwanag sa tao ang kanyang nalalabing Legislative Agenda o ang maaasahan nila sa huling bahagi ng kanyang termino.

Kung tutuusin, dalawa lang talaga ang may papel sa isang SONA. Ang Pangulo at ang Kongreso. Para itong liquidation o accounting sa mga senador at representante kung papaano ipinatupad ng Ehekutibo ang mga policy na dinesisyunan ng Lehislatibo. Pakiusap din ito sa mga gumagawa ng batas na bigyan siya ng tiwala at awtoridad sa mga nais niyang ipatupad.

Bagamat tayong mga mamamayan ay miron lang sa SONA, tayo ang mas tinatarget ng Pangulo sa paghubog ng kanyang speech. Matatalakay naman niya ang kanyang legislative agenda sa pakikipagmiting sa pamunuan ng dalawang Kamara o di kaya sa Legislative-Executive Deve-lopment Council (LEDAC). Ang pagsalba sa lumulubog na public opinion ang malinaw na puntirya ng Pangulo.

Ang naging tagumpay ni P-Noy sa performance niya ay ang pagkontrol sa sarili sa usaping Disbursement Acceleration Program (DAP). Sa SONA ay umiwas ito sa pagbatikos sa Korte at sa halip ay humingi ng suporta sa Kongreso upang ipatupad ang mando sa Budget nang naaayon sa interpretasyon ng Hukuman.

Tulad nang inaasahan, binida ni P-Noy ang kanyang record sa industrial peace, roads, spending, CCT, at sa jobs ng TESDA (subalit hindi pa rin naibibigay ang ipinangakong 10 million jobs).                

Ang hindi niya pinag-usapan ay ang ipinangako ring Freedom of Information Bill; kung bakit 53% pa rin ng taumbayan ay hindi pa naahon sa kahirapan; ang pagtaas ng insidente ng krimen; kawalan ng rice sufficiency; P300 na halaga ng bawang; mabagal na rehabilitasyon ng mga nasalanta ng Yolanda; ang  krisis sa kuryente. At kulang pa rin ang paliwanag kung papaano niya ginastos ang bilyon-bilyong DAP.

Halos 700 days na lamang ang nalalabi sa termino ni Benigno C. Aquino, III. Sa bawat isa sa mga araw na ito ay napakalaki pa nang maitutulong ni P-Noy at ng kanyang pangkat tungo sa ikabubuti nating lahat. Pagdating ng June 30, 2016, ordinaryong mamamayan silang muli tulad natin at wala nang poder upang makapagserbisyo. Sana’y sulitin na nila itong walang kaparis na pagkakataon.

 

Show comments