^

PSN Opinyon

‘Bintang?!’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

GAYA ng isang kadena kahit ito’y maputol maglapit lamang magdidikit muli.

Sa isang lugar sa Pangasinan noong ika-10 ng Marso 2012 may isang putok ang bumulahaw sa kanila. Humarurot ang isang motorsiklo...nagkagulo, naglabasan ang mga tao na may buhat na isang lalaking sugatan at mabilis na isinugod sa pagamutan.

Kinilala ang taong ito na si Benigno Junio Sr. May tama ito sa likod na tumagos sa tiyan.

Ang isa sa itinuturong suspek ay si Glenn “Dodong” Gundran, 38 taong gulang.

“Nasa Baguio ako nung panahong yun. Kaya lang ako tumira sa Pangasinan dahil tagaroon ang napangasawa ko pero hiwalay na kami kaya ako bumalik ng Baguio,” pahayag ni Dodong.

Kwento pa ni Dodong minsan niyang kinasuhan ng Frustrated Homicide sina Benigno Sr., Benigno Jr. Norma Junio, John Benedict at Jesus Ringgor dahil sa pambubugbog sa kanya.

“Halos mamatay ako nun. Basag ang ilong ko. Puro pasa, sugat at bukol ang katawan ko. Nung lumabas ang resolusyon naibaba ito sa Serious Physical Injuries kaya pumayag na lang akong magpaareglo sa halagang sampung libong piso,” salaysay ni Dodong.

Dagdag pa niya nagsimula ang iringan sa pagitan ng pamilya ng kanyang asawa at ng angkan nina Benigno Sr. nang parehong tumakbo bilang Kapitan ng barangay ang biyenang lalaki at si Benigno Sr.

“Natalo ang biyenan ko pero yung iringan sa pagitan nila hindi na humupa,” pahayag ni Dodong.

Nang tuluyan silang maghiwalay ng kanyang asawa noong 2011 umuwi na siya ng Baguio.

“Minsan dumalaw ako sa anak ko at nagpasama sa kaibigang si Cruzaldo. Nakasalubong namin ang grupo nina Benigno Jr. at nagkasuntukan kami. Binugbog nila si Cruzaldo habang ako tumakbo nang makita kong may dala silang bato,” ayon kay Dodong.

Nang magsampa ng kaso si Cruzaldo tumestigo siya laban kina Benigno Jr.

Mula nun tahimik nang nanirahan si Dodong sa Baguio dahil dinala niya na rin ang kanyang anak dun.

Isang araw may nagbalita sa kanya na isa siya sa pinaghihinalaang suspek sa pamamaril kay Benigno Sr.

Sa ulat ng Pangasinan Police sa naganap na krimen, bandang 7:10 ng gabi ng Marso 10, 2012 ini-report sa kanila ni Benison Junio na ang amang si Benigno Sr. ay nabaril ng riding in tandem. Ang mga suspek ay nakasuot ng stripe polo shirt at ‘ball cap’.

Ang biktima ay binaril ng malapitan sa likod at bago makarating sa highway nagpaputok pa ng isa sa ere at humarurot sa direksiyong papunta sa Basista, Pangasinan gamit ang isang motorsiklo. Nakasaad din dito na hindi nakilala ang dalawang suspek.

Kinabukasan matapos ang insidente nagbigay ng pahayag ang anak ng biktima na si Benigno Jr. sa Pangasinan Doctors Hospital. Habang tinutulu­ngan niya raw magtinda ang hipag sa barbekyuhan may narinig siyang isang putok ng baril bandang alas 6:30 ng gabi. Agad dumaan ang isang motorsiklo na kulay asul na RS Yamaha.

Si Glenn umano ang nakita niyang nagmamaneho rito habang angkas naman nito si Cruzaldo na siyang may hawak ng kalibre .45 na baril. Pagtapat daw sa bahay ni Rudy Frias ay nagpaputok pa umano ito.

“Paglingon ko sa bandang kaliwa kung saan nanggaling ang unang putok nakita kong nakaupo sa kalsada ang tatay ko. Nung lapitan ko saka ko nalaman na may tama siya sa kanyang likod kaya agad namin siyang dinala sa ospital,” salaysay ni Benigno Jr.

Habang nasa daan daw sila ay ibinulong ng ama na si Cruzaldo ang bumaril sa kanya at si Glenn ang nagmamaneho.

Kaya rin daw hindi agad sinabi ni Benigno Jr. ang kanyang nalaman dahil binalak niyang gumanti ngunit nakapag isip-isip siya.

Depensa naman ni Dodong, umaga ng Marso 10, 2012 nang ihatid niya sa eskwelahan ang kanyang anak. Nagpahinga siya pagkauwi dahil pagod siya mula sa paghatid sa pamangkin sa airport nung nagdaang gabi.

Bandang alas kwatro ng hapon nakipaglaro siya ng tong-its sa mga kapitbahay na sina Lorna Rivera at Leonila Padilla.

Nakatanggap daw siya ng text mula sa kanyang hipag bandang alas siete ng gabi. Ibinalita nito na nabaril si Benigno Sr. Hindi niya raw ito binigyan ng pansin dahil alam niyang marami itong kaaway.

Ika-14 ng Marso 2012 nakatanggap siya ng tawag, isa raw siya sa itinuturong suspek sa pamamaril.

Ang paglipas daw ng panahon bago ang salaysay ni Benigno Jr. ay nakapagbigay ng sapat na oras para makapag-isip kung sino ang aakusahan. Ang katotohanan daw ay hindi umano niya nasaksihan ang nangyaring pamamaril.

Matapos ang ilang pagdinig sa kasong ‘Frustrated Murder’, noong ika-15 ng Mayo 2012 naglabas ng resolusyon si Investigating Prosecutor Gil B. Rosario. Nakasaad dito na ang alibi ng akusado ay hindi maaring manaig sa positibong deklarasyon ni Benigno Sr. na si Cruzaldo ang bumaril sa kanya at si Glenn ang nagmamaneho ng motorsiklo. Si PO3 Joel T. Gabriel ang kumuha ng salaysay noong Marso 17, 2012.

Naibaba naman ang kaso sa Homicide dahil hindi napatunayan na ang pamamaril ay pinagplanuhan (premeditation) at ginawa ng pataksil (treachery). Hindi naisalaysay ng biktima kung paano ito nagsimula.

Naglagak ng piyansa si Dodong ng Php21,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Dodong.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pagdating ng panahon na kayo ni Dodong ang maglalahad ng inyong panig kailangan magpresinta ka ng mga testigo at ilang ebidensiya na magpapatunay na nasa Baguio ka ng mga panahong yun.

Hindi sapat ang sertipikasyon ng inyong barangay na ikaw ay dun nakatira simula ng taong 2011. Kailangan mong iharap ay ang mga taong kasama mo ng nasabing petsa at oras.

Sa isang banda maswerte ka pa nga at hindi Frustrated Murder ang naisampa sa ‘yo. Walang ‘qualifying elements tulad ng Premeditation, Mr. Prosecutor? Di ba’t naglalakad ng nag-iisa yung biktima, hinintay at  dinaanan ng ‘riding in tandem’? Walang Treachery sa likod binaril ang biktima? Walang ‘of superior strength’? Dalawa ang tumira gamit ang baril. Use of motor vehicle at night time? Hindi ba andun lahat yun’?

Andyan na yan, Frustrated Homicide ang isinampa. Wala na tayong magagawa pa, tama ba Mr. Prosecutor? Ang galing mo, sir!

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento.

BENIGNO

BENIGNO JR.

BENIGNO SR.

CRUZALDO

DODONG

ISANG

MARSO

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with