Si Yolanda’t Glenda ay magkaibigan
sila’y kapwa bagyo na may kalakasan;
ang sabi ni Glenda ay ating pasyalan
bansang Pilipinas upang maleks’yunan!
Sabi pa ni Glenda – ikaw sa Visayas
dahil malakas ka ako ay mahina;
ako ay sa Luzon at dakong Maynila
upang parusahan ang doo’y masama!
Kaya ang Visayas dapang-dapa ngayon
Tacloban at Leyte di pa makabangon;
tulong ng gobyerno hindi makatugon
sapagka’t ang pera sa DAP napatapon?
Dumaan si Glenda sa Katagalugan
at ang kanyang galit doo’y naramdaman;
giniba ni Glenda maraming tahanan
ng mga mahirap na buhay-alamang!
Sabi ng gobyerno ang pera’y naukol
sa mga proyektong pawang ningas-kugon;
kaya nang dumating sungit ng panahon –
ang DAP ay lumitaw – dambuhalang dragon!
Itong ating bansa’y pinahihirapan
sa maraming mali ng leaders ng bayan;
mga perang dapat sa karalitaan
nasilid sa bulsa ng mga tulisan!
Kung may kalamidad dulot ng panahon
samahang sibiko unang tumutulong;
dahil sa ganito ang gobyerno ngayon
di mahal ng tao sa bayan at nayon!
Mga lider natin ay maraming kaso
mga nililitis tambak sa husgado;
mabuti na lamang mga Mahistrado
hindi pumapanig sa masamang tao!
Inang Kalikasan pati ang Bathala
kina Yolly at Glenda sila’y tuwang-tuwa;
kayang-kaya pala ng dalwang diwata
na s’yang magparusa sa mga masama!