TANONG nang marami: Makaahon pa kaya ang Philippine National Police (PNP) sa kumunoy na kinasadlakan dahil sa kagagawan ng mga sariling miyembro? Mahirap sagutin. Sa kabila na ginagawa ng pamunuan ng PNP ang lahat nang paraan para maisaayos ang kanilang mga miyembro at tahakin ng mga ito ang magandang direksiyon, marami pa ring naliligaw ng landas at nagbibigay ng dungis sa organisasyon. Nakakahiya ang kanilang ginagawa. Habang may mga pulis na ginagawa ang lahat para kagiliwan ng mamamayan, may ilan naman na kinatatakutan dahil sa ginagawa nilang kabuktutan.
Noong Huwebes ng madaling araw, isang pulis na may ranggong PO1 ang nakipagbarilan sa mga kapwa pulis sa Quirino Highway, Novaliches, Quezon City. Hindi nanaig sa mga mabubuting pulis ang kabuktutan ni PO1 Jay Rowan Poquiz. Si Poquiz ay matagal na umanong sinusubaybayan ng QCPD dahil sa mga serye ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Metro Manila at mga karatig probinsiya. Ayon sa report, ibebenta ni Poquiz at kasama nito ang motorsiklo sa isang police assets sa isang gasolinahan sa QC nang makatunog ang mga ito na may mga pulis sa paligid. Tumakas si Poquiz at ang kasama. Nakipagbarilan ang mga ito pero hindi umubra sa mga mabubuting pulis.
Noong Miyerkules ng gabi, isang PO1 ang nahulihan ng shabu at hindi lisensiyadong baril sa Makati City. Nakasakay sa kanyang motorsiklo si PO1 Jomar Clemente nang sitahin sa checkpoint dahil wala itong helmet. Nang kapkapan, nakita ang di-lisensiyadong baril at nang halughugin ang motor, nakakuha ng hinihinalang shabu. Ayon sa report, matagal nang sinu-surveillance si Clemente dahil sa drug dealings sa Makati.
Noong nakaraang linggo, isang PO1 ang sinampahan ng kasong extortion at drug charges. Umano’y kinokotongan ni PO1 Jaime Jan Brian Nicabera ang isang lalaki ng P15,000 dahil nahulihan umano niya ng shabu. Pero nagsumbong sa mga pulis ang lalaki at inaresto si Nicabera. Natuklasan na marami palang kaso si Nicabera at 10 beses nang nasuspende.
Marami pang PO1 ang namamayagpag at nagbibigay ng dungis sa PNP. Pag-aralan sana ng pamunuan ng PNP na paghusayin ang pagtanggap sa mga baguhang pulis. Kailangang dumaan sa pagsisiyasat ang aplikante para matiyak na hindi magdudungis sa PNP.