Kailangang upuan na ang problema

LUMALAKAS ang benta ng mga generator ngayon, dahil sa babala na pagdating ng tag-init sa 2015, magkakaroon na nang matinding pagkukulang ng kuryente sa Luzon, kasama ang Metro Manila. Kaya bumibili na ngayon bago itaas ang presyo ng mga ito ng mga mananamantala sa sitwasyon. Ayon sa DOE, kailangan ng mga bago o karagdagang planta ng kuryente para maiwasan ang krisis sa kuryente.

Kaya pinag-aaralan ang mungkahi na gawing natural gas-powered na planta ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). May natural gas naman sa Palawan, kaya magagawa ito. May Koreanong kompanya naman na interesadong gawing coal-fired na planta ang BNPP. Dapat naman mapakinabangan ang ginawang BNPP. Sayang talaga ang perang ibinuhos dito na hindi naman pinakinabangan. Balita ko gumagastos ang gobyerno hanggang ngayon para sa maintenance ng planta.

Kailangang upuan ang problemang ito. Kung sasama ang sitwasyon ng kuryente ng bansa, lalo na sa Metro Manila, mabubura lahat nang magandang nagawa sa ekonomiya ng administrasyong Aquino. Sino nga naman ang gustong magnegosyo sa lugar na kulang o walang kuryente? Nakakainis lang isipin na hindi inasikaso ang problema ng kuryente noon pa. Ngayong masama na, ngayon lang pinag-aaralan kung ano ang mga puwedeng solusyon.

Pero ilang taon ang kakailanganin para makapagtayo ng bagong planta ng kuryente? Kung maaprubahan man ang pagtayo ng bagong planta, ilang taong magdudusa sa araw-araw na rotating brownout ang mararanasan nating lahat? At bago makapagtayo ng bagong planta, dadaan sa lahat ng proseso bago maaprubahan, lalo na kung dayuhang kumpanya ang magtatayo. Para wala na lang masabi ang mga kritiko.

Mabuti rin sana kung pantay-pantay tayong maghihirap. Nang lumipas ang bagyong Glenda sa Metro Manila, may lugar tulad ng ilang bahagi ng Greenhills na nagkaroon kaagad ng kuryente, habang araw naman ang binilang ng ibang lugar bago nagkaroon. Dahil ba mayayaman ang nasa Greenhills, o dahil may pulitiko doon na ayaw maghirap na dulot ng brownout? Ito ang dapat ding imbestigahan ng DOE. Pagdating ng 2015, baka naman sila lang ang may kuryente.

 

Show comments