SI Ruth ay nagtatrabaho sa pharmaceutical company. Mataas ang kanyang suweldo. Kahit pa subsob ang ulo niya sa trabaho ay hindi niya nakakalimutan na magkaroon ng lovelife. Nakilala niya si Randy at naging magsyota sila matapos ang limang taon na pagliligawan. Kumbinsido ang dalawa na para talaga sila sa isa’t isa kaya tinanggap ni Ruth ang alok ni Randy na magpakasal.
Bago sila makapagpakasal ay kailangan muna ni Ruth na kumuha ng certificate of no marriage (CENOMAR) sa National Statistics Office (NSO) para mapatunayan na dalaga pa siya at walang asawa.
Laking gulat ni Ruth nang madiskubre niya sa sertipikasyon ng NSO na kasal na siya sa isang Koreano. Naganap daw ang kasal sa Cebu City Municipal Trial Court o MTCC. Dahil sa nangyari, kailangan pa tuloy magsampa ng petisyon ni Ruth sa korte para kanselahin ang mga nakasulat (entries) sa kontrata ng kasal alinsunod sa Rule 108 ng Rules of Court para mabura ang lahat ng maling impormasyon tungkol sa sinasabing asawa o misis.
Sa paglilitis ay itinanggi ni Ruth na nagpakasal siya sa Cebu. Hindi nga raw niya kilala si Kim Park. Ipinaliwanag din niya na wala siya sa Cebu noong petsa at araw ng sinasabing kasal upang humarap sa huwes dahil naroon siya sa opisina niya sa Makati at nagtatrabaho. Pero inamin na kilala niya ang mga nakasulat na testigo ng kasal nang minsan siyang magtrabaho bilang receptionist sa isang hotel. Ang hinala niya ay ginamit ng isang travel agency ang mga impormasyon na binigay niya nang minsan siyang kumuha ng passport.
Kinausap din niya ang isang tauhan ng korte ng Cebu para tumestigo at patunayan na bagamat may babaeng dumating at humarap sa huwes nang araw na ginanap ang seremonyas ng kasal ay hindi si Ruth ang babaing sinasabing naging misis ni Kim Park.
Isang document examiner din ang tinawag upang patunayan na peke ang pirma sa kontrata ng kasal. Base sa mga nabanggit, nagdesisyon ang korte pabor kay Ruth at ipinag-utos na kanselahin/itama ang mga detalye ng kontrata ng kasal.
Kinuwestiyon ng Republika ng Pilipinas ang naging desisyon ng korte. Ayon sa kanila ay hindi basta error ang babaguhin dahil ang taong humarap at nagpakilala na siya si Ruth ang nagsumite ng mga impormasyon ng kasal. Dagdag pa dito, sa gagawin ng korte na pagkansela sa lahat ng impormasyon patungkol sa asawa (misis) ay para na rin pinawalang-bisa ng korte ang kasal sa Cebu na hindi basta magagawa sa simpleng petisyon alinsunod sa Rule 108. Tama ba ang Republika ng Pilipinas?
Mali. Kahit mabibigat na pagkakamali sa civil registry ay maitatama sa pamamagitan ng petisyon sa ilalim ng Rule 108 basta’t mapapatunayan ang katotohanan sa tamang paraan.
Sa kaso ni Ruth, napatunayan niya na hindi siya kailanman nagpakasal at wala siyang kamalay-malay sa kasal na naganap. Ang testimonya at dokumentong isinumite ay nagpapatunay na ang tanging ebidensiya ng kasal – ang kontrata ay peke. Kahit pa sabihin na hindi puwedeng gamitin ang Rule 108 para mapatunayan ang legalidad ng kasal, ang paglilitis sa korte ay hindi rin puwedeng isantabi dahil lahat ng sangkot ay binigyan ng pagkakataon para kuwestiyunin ang mga paratang ni Ruth. Ayon din sa mga records ay sinunod ang lahat ng proseso at lahat ng ebidensiya ay tinanggap at masusing pinag-aralan ng husgado. Hindi hinahabol ni Ruth ang pagpapawalang bisa ng kasal dahil wala naman talagang kasal na naganap, kung tutuusin. Ang gusto lang niyang mangyari ay itama ang mga record ng kasal para ipakita ang katotohanan na pinatunayan ng ebidensiya. Ang utos ng husgado na pagkansela at pagtatama sa record ng kasal patungkol sa babae (misis) ay hindi pagpapawalang bisa ng kasal dahil nga wala naman talagang kasal na nangyari (Republic of the Philippines vs. Merlinda L. Olaybar, G.R. No. 189538, February 10, 2014).