Bakit may giyera?
MAGULO ang kalagayan ng mundo. Giyera rito, giyera roon.
Hinihingi na ng United Nations ang tigil-putukan sa digmaang nagaganap sa pagitan ng Israel at mga Palestino na sa araw-araw ay tumataas ang bilang ng mga namamatay.
Kamakailan ay isang commercial plane ang tinira ng missile ng mga rebelde sa Ukraine na ikinamatay ng mahigit sa 200 pasahero kasama ang tatlong Pilipino.
Matindi rin ang tension sa Libya at puwersahan nang inililikas ng ating embahada ang tinatayang 13-libong Pilipinong nagtatrabaho roon. Sa katunayan, isa nang Pinoy ang biktima ng karahasan sa naturang bansa na dinukot at pinugutan ng ulo.
Isama pa riyan ang pagpapakita ng lakas ng ibang bansa tulad ng China na sumasaklaw sa teritoryo ng ibang bansa sa West Philippine Sea.
Sa loob mismo ng bansa natin ay naririyan ang walang humpay na pakikipaglaban ng military sa mga rebeldeng NPA at sa mga tinatawag na Moro Freedom Fighters. Banner headline nga natin ngayon ang pagkamatay ng may 18-katao sa sagupaan ng tropa ng AFP at Bangsa Islamic Freedom Fighter (BIFF).
Marahil, yung ibang panig sa kapayapaan ay nagtatanong kung bakit dapat mangyari ang mga ito. Bakit kailangang magpatayan ang mga tao.
Isa lang ang dahilan: Kasakiman sa kapangyarihan. Ang ano mang digmaan ay isa lang ang layunin: Kumamkam ng ibang teritoryo para maragdagan ang likas na yaman. Kapag yumayaman ang isang bansa dahil sa pananakop, ito’y lalung kinatatakutan at lalung nagiging makapangyarihan.
Sabihin man na ang mga digmaan ay dulot ng mga isyung pampulitika o relihiyon, iisa lang talaga ang ugat nito at iyan ay ang kasakiman ng tao sa kapangyarihan at wala nang iba.
May matandang kasabihan na ang daigdig na ito’y may sapat na yaman para sa lahat ng pangangailangan ng tao pero nagkukulang dahil sa kasakiman ng tao.
- Latest