Perception is everything.
ANUMAN ang nakikitang resulta o kinahinatnan sa pinaggagawa, ikinikilos at pananalita ng isang lider o namumuno, ang siyang magiging basehan ng persepsyon ng taumbayan.
Sa persepsyon nabubuo ang tiwala at respeto na magiging pundasyon ng integridad ng isang indibidwal.
Matagal ng problema ang kakulangan ng suplay ng enerhiya sa bansa. Taong 2013 pa, tinatalakay ko na sa BITAG Live ang usaping ito.
Subalit nitong mga nakaraang araw, sinabi ni Energy Secretary Jericho Petilla na walang krisis sa sektor ng enerhiya. Sa kaniyang projection o nakikinita, sa susunod na tag-araw ng 2015 pa lang daw magkakaroon ng power deficit sa bansa.
Ibig sabihin, hindi niya pa maituturing na krisis ang kalbaryo ng mga residente sa Mindanao kung saan anim hanggang sampung oras narotating brownout ang nararanasan nila araw-araw.
Sa kabila ng isyu sa kakulangan ng suplay ng kur-yente, kahapon, nagsalita si Petilla sa banat sa kaniya ng kaalyado ring si Senator Sergio Osmeña. Karapat-dapat daw siya sa pwesto taliwas sa mga sinasabi ng senador.
Bukod sa dati umano siyang gobernador, marami rin daw siyang karanasan at mayroon siyang corporate at political skills para mangasiwa sa tinawag niyang “Department of Everything.”
Kahit anupamang pagbubuhat ng sariling bangko ang iyong gawin kung hindi naman ito nararamdaman at nakikita ng taumbayan, balewala rin.
Pagdating sa pangangasiwa sa gobyerno, hindi pinag-uusapan dito ang galing o kung anumang karanasan mayroon ang isang namumuno. Kundi kung papaano niya ito ginagamit.
Sa “Department of Everything” o sektor ng enerhiya, kung wala ka rin naman palang nagagawa at puro ka lang ngawa, mas mabuting manahimik ka nalang.
Matagal ng problema ang sektor sa enerhiya. Ilang mga presidente na ang dumaan pero walang pumapansin dito.
Kung pagkaupong pagkaupo palang ni Pangulong Benigno Aquino sinimulan na ang pagpapatayo ng mga imprastruktura, natatamasa at napapakinabangan na sana ito ngayon ng taumbayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan
tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.